Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin inilalabas ng Kagawaran ng EDukasyon (DepEd) ang resulta ng nakaraang Alternative Learning System Accreditation & Equivalency (ALS A&E) na ginanap noong ika-7 ng Disyembre 2014 hanggang ika-15 ng Enero 2015. Dahil dito ay magkahalong inip at inis na ang nadarama ng mga kumuha ng pagsusulit dahil sa bagal ng paglabas ng resulta. Hindi tuloy nila alam kung sila ay kukuha ng college entrance test o kung ano ang gagawing hakbang.
Tulad nang mga nakaraang taon, talagang mabagal ang paglabas ng resulta ng ALS A&E dahil na rin sa pagtsitsek ng sanaysay o essay ng nasabing pagsusulit. Isa pa, idinadaan sa isang bidding process kung sino ang magsasagawa ng pagtsitsek ng mga papel kung may sapat na itong pondo. Kadalasan naman ay nailalabas ang resulta bago magsimula ang pasukan.
Dahil dito, dapat magpraktis ang mga kumuha ng pagsusulit upang sa gayon ay makapasa sila sa mga college entrance test na kanilang haharapin. Gawing makabuluhan ang paghihintay dahil kung nakapasa man tayo sa ALS A&E ay baka naman bumagsak tayo sa test na ibibigay ng mga pamantasan at kolehiyo.