Wednesday, March 24, 2021

Ako Bilang Mag-aaral ng ALS sa Panahon ng Pandemya

Malaking suliranin ang kinaharap ng mga bansa at mamamayan nito nang lumaganap ang bago at mapaminsalang virus sa buong mundo. Ito ay ang “severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2) na unang nadiskubre sa Wuhan, China noong Disyembre 2019. Ang sakit na dulot nito na tinatawag na Covid-19 ay nakamamatay kapag lumala ang mga sintomas. Dahil sa sakit na ito, malaking hamon ang kinaharap ng mga mag-aaral ng Alternative Learning System o ALS, tulad ko.

Tunay na malaking hamon ang aking pinagdaanan habang nag-aaral ako sa programa ng ALS. Dahil hindi maaari ang harapang pag-aaral, may mga gawain sa aking mga modyul ang hindi ko agad matugunan ng sagot. Kung noong una ay naibabahagi ko sa aking guro ang mga hindi ko mawatasang mga gawain kahit man lamang isang araw sa loob ng isang linggo, hindi na ngayon. Nakita ko lamang ang aking guro nang kunin ng aking ina ang mga modyul na aking pag-aaralan at sasagutan. Ang aking pag-aaral sa ALS ay naging mahirap at mabagal dahil wala akong mapagtanungan agad ng mga araling hindi ko maunawaan o mga gawaing hindi ko alam ang gagawin. Hindi rin ako makapagtanong sa aking mga kaklase dahil ipinagbabawal nga ang paglabas sa bahay ng mga kabataan.

Isa pang hamon na aking kinaharap bilang mag-aaral ng ALS ay ang dagdag gastos sa aking pag-aaral. Oo nga at libre ang pag-aaral sa ALS, naragdagan ang gastusin ng aking mga magulang dahil sa cell phone load na hinihingi ko sa kanila, gamit upang makausap ko ang aking guro at mga kaklase, o upang makahanap ng mga sanggunian sa internet ng mga paksang aking pinag-aaralan. Dagdag pa rito ang bayarin sa tumataas na konsumo ng elektrisidad dahil sa madalas na pagtsa-charge ng cell phone, panonood sa TV o pakikinig ng radyo ng mga aralin. 

Sa kadahilanang walang harapang ugnayan sa aking guro at mga kamag-aral, naging kabagot-bagot ang aking pag-aaral sa ALS ngayong pandemya. Dahil bawal lumabas ng bahay, kailangan kong mag-aral nang nag-iisa. Nawala ang tawanan kapag nagsisingit ng mga biro at katawa-tawang kuwento ang aming guro o kaklase. Limitado ang mga ugnayang-sosyal ng guro at mag-aaral ng ALS dahil hindi sila makapag-usap nang harapan. Nawala ang masasayang kuwentuhan habang naghihintay sa pagdating ng guro at mayabong na talakayan sa loob ng silid-aralan habang tinatalakay ang isang paksa.

Nakaapekto rin ng bahagya sa aking kalusugang pangkaisipan ang paraan ng pagtuturo sa ALS ngayong panahon ng pandemya. Minsan ay naaaburido ako kapag nasa puntong wala akong magawa kundi tingnan ang aking modyul habang iniisip kung paano ito sasagutan dahil wala agad mapagtanungan. Hindi agad ako makatulog sa gabi dahil iniisip kung paano kukumpletuhin ang isang modyul na pinag-aaralan. Nakakaimbyerna rin kapag ang guro mo ay hindi mo matawagan sa cell phone kaagad. 

Nagdulot man ng problema ang pandemya sa aking pag-aaral sa ALS, mayroon din namang kabutihang naidulot ang hindi paglabas ng bahay. Natuto kong makilala, gamitin, at paunlarin ang aking sariling kaisipan o kakayahan. May mga kasanayan akong natutunan habang nasa bahay, tulad ng pagtatanim ng mga gulay at halamang pandekorasyon at namumulaklak, pagluluto ng iba't ibang putahe at minatamis, at paggawa ng iba't ibang klase ng tinapay. Natuto rin akong kilalanin pang higit ang mga kasama ko sa bahay at makipagtulungan sa kanila. Higit sa lahat, nakilala ko nang lubos ang aking sarili. Napag-alaman kong may sarili akong galing at husay upang mapaglabanan ko ang lungkot dulot ng mag-isang pag-aaral at masagutan at matapos ang aking mga modyul sa abot ng aking makakaya.

Sa ngayon ay kinukumpleto ko na lamang ang aking presentation portfolio upang isumite sa aking guro bilang basehan kung pagkakalooban ako ng katunayan bilang nakatapos ng junior high school. Naging masalimuot man at mapanghamon ang pandemya sa mga mag-aaral ng ALS na tulad ko, batid kong malalampasan ko ito at maaabot ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at mabuhay nang matiwasay.

No comments:

Post a Comment