Monday, June 19, 2017

Nakalimutan na ba ni Kal. Briones ang ALS?

Tila nakalimutan na ni Kalihim Leonor Biones ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang kahalagahan at pagpapalaganap ng Alternative Learning System (ALS) na kanyang pinagdiinan sa kanyang unang talumpati sa mga kawani ng DepEd noong ika-7 ng Hulyo, 2016. Nang araw na ito ay inilahad niya ang kagalingan ng ALS at ikinuwento ang naging karanasan tungkol dito.  Sinabi niyang dapat itong palaganapin. Subali't tila nalimutan na ito ng kalihim.



Matapos suspendihin ang petsa ng eksamin para sa 2016 ALS Accreditation and Equivalency (A&E) noong ika-20 ng Enero, 2017, wala nang narinig na balita tungkol dito. Limang buwan na ang lumipas nguni't hindi pa inihahayag ang bagong petsa ng pagsusulit. Hindi rin malinaw kung may pagsusulit pang magaganap. Ang mga nagrepaso at nag-aral sa ALS na nagnanais na kumuha ng kurso sa kolehiyo ay nanggagalaiti na sa inip at galit. Tila napurnada ang kanilang panahon sa pag-aaral. Ang kanilang pinag-aralan ay unti-unti nang nakakalimutan. Parang nasa balag sila ng alanganin sa paghihintay. Yaong nagnanais namang magparehistro at mag-aral sa ALS ngayong taon ay gayundin. Hindi nila malaman ang gagawin. Wala rin namang maisagot ang mga prinsipal at ALS coordinators dahil tulad nila ang naghihintay rin sila ng Memorandum galing sa DepEd.

Sa ngayon ay patuloy na umaasa ang mga mag-aaral ng ALS na makapag-eeksamin na rin sila. Nguni't habang lumalaon ay unti-unti nang naglalaho ang pag-asa nilang ito. Paano lalaganap ang inpormal na pag-aaral na tulad ng ALS kung ang mismong Kalihim ay tila nakalimutan na ito?

No comments: