Wednesday, May 22, 2019

BAKIT MARAMING BUMAGSAK SA BATCH 2018 ALS A&E TEST?


Nakapanlulumong isipin na tila mas maraming bumagsak sa nakaraang Alternative Learning System (ALS) Accreditation & Equivalency (A&E) test na ibinigay ng Department of Education (DepEd) noong ika-24 ng Pebrero, 2019 para sa Luzon at ika-3 ng Marso, 2019 para sa Visayas at Mindanao kahit hindi pa inilalabas ng DepEd ang opisyal na bilang at poryento ng mga pasado. Maraming dahilan kung bakit hindi pumasa sa pagsusulit ang mga mag-aaral ng ALS subali’t malaking bahagi nito ang dahil sa kakulangan.

1. Kulang sa oras. Ito ang malimit na dahilan kung bakit hindi pinalad ang isang ALS learners. Kulang ang oras ng mga mag-aaral sa pagpasok sa mga araw na kailangang pumasok dahil na rin sa pagtatrabaho at iba pang gawaing-bahay. Dahil kailangan munang kumita at/o tapusin ang mga gawaing-bahay, limitado rin ang kanilang oras sa pagrerepaso ng mga leksyon. Kulang din ang oras ng mga guro at coordinators ng ALS upang pagtuunan ng pansin ang paparaming estudyante. Hindi sapat ang kanilang oras upang masigurong nauunawaan ng mga mag-aaral ang bawat kasanayan at karunungang dapat taglayin upang sila ay makapasa sa pagsusulit.

2. Kulang sa pokus at konsentrasyon. Dahil maraming mga bagay ang dapat pagtuunan ng pansin ng sabay-sabay, nagkukulang sa pokus at konsentrasyon ang mga mag-aaral ng ALS. Kadalasan, mali pa ang pinagtutuunan nila ng pansin. Mas marami ang nag-i-internet hindi upang maghanap ng mga review materials kundi upang makipagsosyalan lamang sa Facebook at Twitter. Nawawaglit sa kanilang isipan na dapat ang unahin ay kung paano pumasa sa ALS A&E kaysa kung paano magkakaroon ng maraming kaibigan at/o nobyo/nobya. Nakasalalay sa pagpasa sa eksamin ang katuparan ng kanilang mga pangarap kung kaya’t doon dapat sila naka-pokus.

3. Kulang sa tiwala. Marami ang hindi pumasa sa pagsusulit dahil kulang sila sa tiwala sa sarili. Hindi pa man nagsisimula ang pagsusulit, sa kanilang isipin, sila ay bagsak na. Hindi nila pinaghandaan o binigyang solusyon ang kanilang kahinaan. Hindi nagtanong sa guro at mga kamag-aral kung paano i-solve ang isang Math problem. Pinabayaan nilang lukobin sila ng takot at ipagwalang-bahala ang kanilang mga pangarap. “Bahala na si Batman!”, ‘ika nga nila.

4. Kulang sa load. Dahil sa kakulangan sa salapi, maraming mag-aaral ang kulang sa load upang makahanap ng mga websites at social group na makatutulong sa kanilang pag-aaral at pagrerepaso. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila nahahanap ang mga dapat nilang aralin at repasuhin. Gayunman, dapat ay gumawa sila ng paraan upang kahit papaano ay maka-connect sila sa internet o kung hindi man ay humingi ng tulong sa mga kamag-aral na gumagamit nito.

5. Kulang sa review materials. Isa ring kadahilanan ng pagbagsak ng marami sa pagsusulit ay ang kakulangan ng mga review materials buhat sa kanilang guro. Kung walang ideya ang mga guro kung anong karunungan at kasanayan ang posibleng lumabas sa eksamin, mahihirapan pumasa ang mga mag-aaral dahil tila nangangapa sila sa dilim sa dami ng dapat pag-aralan. Kung meron mang reviewers, mali ang akala ng ibang estudyante na ang mga ito mismo ang lalabas sa pagsusulit, words for words. Hindi nila batid na ang mga reviewers at giya lamang. Konsepto ang dapat pag-aralan at hindi ang mismong sagot dahil iba ang lalabas sa test kaysa sa nirepaso subali’t naroroon ang konsepto.

6. Kulang sa pansin. Dahil kulang sa pansin ng mga guro, magulang, kamag-aral, at kaibigan, pa-bandying-bandying lamang ang ilan sa mga ALS learners. Kulang ang mga nag-uudyok upang pagbutihin nila ang pag-aaral, pagrerepaso, at pagkuha ng eksamin. Dahil kulang ang pumapansin sa kanila, hindi sila nagpupunyagi nang husto dahil para sa mga mag-aaral na ito, pareho lamang kung sila ay pumasa o bumagsak sa pagsusulit.

7. Kulang sa pagsagot. Isa ring dahilan ng pagbagsak ng mga mag-aaral ng ALS ay ang katamaran nilang sumagot sa mga tanong na naka-post sa kanilang grupo. Kalimitan, hanggang “SEEN” na lang sila. Hindi man lamang sinubukang sagutin o i-solve ang isang Math problem. Kung hindi nila ito ginawa, paano nila malalalaman na sapat na ang kanilang kaalaman, kasanayan, at kahandaan sa pagsusulit? Mas mabuti nang magkamali sa pagsagot sa tanong bago pa ang pagsusulit kaysa sa mismong eksamin.

Ikaw, pumasa ka ba sa 2018 ALS A&E test? Ano ang dahilan kung bakit ka bumagsak? Ano ang kakulangan sa iyo? I-komento sa ibaba.

Ano man ang dahilan ang iyong pagbagsak sa A&E test, nararapat lamang na itama ang inyong pagkakamali dahil nakasalalay sa pagpasa rito ang iyong mga pangarap sa buhay. Bumangon at lumabang muli! Maging handa!