Wednesday, April 6, 2022

ALS A&E Test Reviewer: Learning Strand 1 - Communication Skills - FILIPINO - TAYUTAY

 Nasa ibaba ang isang aralin at pagsasanay na pagsusulit ukol sa Tayutay o Figure of Speech sa Ingles bilang bahagi ng ALS A&E Test: Learning Strand 1 - Communication Skills - FILIPINO:



ARALIN:

Ano ang tayutay at ang mga uri nito?

Ang tayutay o "figure of speech" sa wikang Ingles ay ang pag-iwas sa paggamit ng ordinaryong o pangkaraniwang salita upang maging kaakit-akit, malikhain at mabisa ang pagpapahayag ng damdamin ng isang manunulat o nagsasalita. 

Mga Uri ng Tayutay o “Figure of Speech" 

1. Pagtutulad o Simili (Simile) - Isang uri ng paghahambing o pagkukumpara ng dalawang magkaibang bagay na ginagamitan ng mga salitang KATULAD, TULAD, GAYA NG, TILA, PARANG, atbp.

Mga Halimbawa

a. Ang mga mata mo ay tila perlas ng silangan.
b. Ang pag-awit mo ay tulad ng himig ng mga anghel sa langit. 


2. Pagwawangis (Metaphor) - paghahambing ng dalawang bagay na hindi ginagamitan ng mga salitang katulad, tulad, gaya ng, tila, parang, atbp.

Mga Halimbawa

a. Ang kanyang ina ang bituing tanglaw sa kanyang buhay.
b. Namumulang makopa ang pisngi ng sanggol.


3. Pagmamalabis (Hyberbole) - sadyang pinalalabisan ang isang kalagayan, pangyayari o bagay.

Mga Halimbawa

a. Bumaha sa buong paligid nang siya ay umiyak.
b. Mala-impyerno ang init ng panahon. 


4. Pagbibigay ng Katauhan o Pagsasatao (Personification) - pagbibigay katangian ng tao sa isang bagay na hindi tao, may buhay man o wala.

Mga Halimbawa

a. Humihiyaw ang mga kawayan sa lakas ng hangin.
b. Nag-aawitan ang mga palaka sa gitna ng ulan.


5. Pag-uyam (Irony) - paggamit ng mga salitang kapuri-puri subali't kabaliktaran naman ang nais ipagkahulugan.

Mga Halimbawa

a. Kay-ayos ng iyong buhok. Marahil ay magandang pang-isis ng kawali.
b. Napakaganda ng boses ni Maria. Hinihiwang yero ang kapara. 


6. Pagtawag (Apostrophe) - madamdamin na pagtawag sa isang nilalang o bagay na tutuo o imahinasyon lamang na kalimitan ay nagsisimula sa O, o Oh at madalas na ginagamit sa prosa o tula at drama.

Mga Halimbawa

a. O, Bathalang Mahal! Nawa'y siya ay Iyong kupkupin.
b. O, bituing marikit! Tanglawan mo ang gabing pusikit. 


7. Pag-uulit (Alliteration) - pag-uulit ng isang salita o parirala sa loob ng isang pangungusap, taludtod o talata.

Mga Halimbawa

a. Masama ang gumamit ng droga. Masama dahil nakakasira ng isip. Masama dahil pamilya ay nasisira.
b. Pag-ibig ang nagbigay pag-asa; pag-ibig ang bumuhay; pag-ibig pa rin ang pumatay.


8. Pagtatanong (Rhetorical Question) - pagpapayag sa pamamagitan ng pagtatanong na hindi naghihintay ng kasagutan. Ang tanong ay maaaring may kasagutan o wala. Maaaring ang tanong ay alam na ang sagot subali't inilagay upang bigyang diin ang isang pahayag, damdamin o pangyayari.

Mga Halimbawa

a. Bakit nagkaganito ang bayang ito?
b. Hagupit ng kalikasan o kasakiman ng tao? 


9. Pagpapalit-saklaw (Synecdoche) - pagbanggit ng isang bahagi upang tukuyin ang kabuuan o pagpapahayag ng kabuuan upang tukuyin ang isang bahagi.

Mga Halimbawa

a. Marangya ang kasalan sa ilaya. Dalawampung ulo ang kinatay.
b. Nagpalabas ang Malakanyang ng napakahalagang kautusan. 


10. Paghihimig (Onomatopoeia) - paggamit ng mga salitang kasingtunog ng kahulugan.

Mga Halimbawa

a. Naglalagablab ang init ng panahon.
b.  Tiktilaok!


11. Pagtatambis (Oxymoron) - paglalagay o pagsasama ng dalawang bagay o salita na magkasalungat ang kahulugan.

Mga Halimbawa

a. Masaya siyang umiiyak nang manalo sa timpalak.
b. Ikaw na ang matalinong-bobo!


12. Kabaliktaran (Antithesis) - pagsasama ng dalawang ideya, damdamin, salita, parirala at pangungusap na kabaliktaran ang kahulugan.

Mga Halimbawa

a. Umiiyak man ang langit, nagbubunyi naman sa lupa.
b. Marami ang matutuwa sa iyong paglisan.


13. Pagtanggi (Litotes) - pagpapahayag ng pagsalungat o hindi tuwirang pangsang-ayon subali't ito ay pakunwari  o paimbabaw lamang, o paglalagay ng dalawang negatibong pananaw para ipamalas ang positibong ideya.

Mga Halimbawa

a. Hindi maliit na halaga ang isang milyong piso.
b. Ayokong isipin mo na tutol ako sa pag-aasawa mo. Nais ko lamang na magtapos ka muna ng pag-aaral.


PAGSASANAY

PANUTO: Tukuyin kung anong uri ng tayutay ang ipinahahayag ng pangungusap o mga pangungusap. Piliin ang titik ng tamang sagot.

1. Ayoko nang umibig. Ayoko nang umasa. Ayoko nang mabuhay pa. 

A. Pagtatambis
B. Paghihimig
C. Pag-uulit
D. Pagtanggi


2. Lingid sa mga kabinataan, ang kanilang sinusuyo ay isang mahinhing-talipandas. 

A. Pagtatambis
B. Paghihimig
C. Kabaliktaran
D. Pagpapalit-saklaw


3. Nagyukuan ang mga palay nang dumampi ang hanging Amihan.

A. Pagmamalabis
B. Pagwawangis
C. Pagtutulad
D. Pagsasatao


4. Si Laura ang ilaw ng buhay ni Florante.

A. Pagmamalabis
B. Pagwawangis
C. Pagtutulad
D. Pag-uyam


5. Tila kalabaw si Merto kapag nagtatrabaho sa bukid.

A. Pagmamalabis
B. Pagwawangis
C. Pagtutulad
D. Pag-uyam


6. O maliwanag na buwan, nakikiusap ako.

A. Pagsasatao
B. Paghihimig
C. Pagtatanong
D. Pagtawag


7. Nagkalasog-lasog ang katawan ni Mando nang mahulog sa puno ng bayabas.

A. Pagmamalabis
B. Pagtanggi
C. Pag-uyam
D. Pagtawag


8. Makabasag-pinggan ang ganda ng kanyang boses.

A. Pagmamalabis
B. Pagtanggi
C. Pag-uyam
D. Kabaliktaran


9. Naglundagan sa tuwa ang mga manonood nang mamatay ang bida.

A. Pagmamalabis
B. Pagtanggi
C. Pag-uyam
D. Kabaliktaran


10. Dahil sa iskandalo, nabulabog ang White House.

A. Pagtatanong
B. Pagpapalit-saklaw
C. Pag-uyam
D. Paghihimig


11. Walang nilalang ang pangit. Ang kagandahan ay hindi lamang sa panlabas na anyo.

A. Pag-uyam
B. Pagpapalit-saklaw
C. Pagtanggi
D. Paghihimig


12. Ito ba’y katotohanan o panaginip lamang?

A. Pagtatanong
B. Pagpapalit-saklaw
C. Pagtawag
D. Paghihimig


13. Dinig niya ang tikatik ng ulan sa bubong ng kanilang bahay.

A. Pagtatanong
B. Pagpapalit-saklaw
C. Pagtawag
D. Paghihimig


14. Isa kang ulupong!

A. Pagtutulad
B. Pagwawangis
C. Pagtawag
D. Pagmamalabis


15. Bukas, luluhod ang mga tala.

A. Pagtawag
B. Pagwawangis
C. Pagsasatao
D. Pagmamalabis
--o0o--

MGA SAGOT: