Tuesday, March 9, 2021

Ang Magandang Naidulot ng ALS sa Akin


Akala ko ay wala ng ilaw na masusuungan ang madilim kong bukas, subali't ako ay labis na nagkamali. Sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS, unti-unti kong nababanaagan ang kislap ng pag-asa na minsan nang nawala sa aking isip. Bakit ko nasabi ito? Ano nga ba ang magandang naidulot ng ALS sa akin?

Maraming magagandang bagay ang naidulot ng ALS sa aking buhay. Tulad ng aking nabanggit sa itaas, pag-asa ang unang hatid nito sa akin. Dahil sa maaaring idulot ng libreng pag-aaral na ito sa katulad kong nahinto sa pag-aaral, nagkaroon ako ng pag-asang makatatawid ako sa aking kinasasadlakang hirap sanhi ng pagrerebelde, pagbabarkada, at kalaunan ay nabuntis ng wala sa panahon, noong ako ay nasa murang gulang pa lamang. Pag-asa itong tila isang sandali na maaari ko nang maabot ang aking mga pangarap kapiling ang aking anak sa pagkadalaga. Ito ang nagpapagising sa akin sa umaga at nagpapatulog sa akin sa gabi.

Ang ikalawang buti na dulot ng ALS sa akin ay ang pagkakaroon ko ng maraming tunay na kaibigan na handang tumulong sa akin sa panahon ng kagipitan at suliranin. Dahil sa ALS, nakaroon ako ng pagkakataong makisalamuha, makiisa, at makipagtulungan sa mga kagaya kong hindi nakatapos ng pag-aaral. Tulong-tulong kami sa pag-aaral, sa paggawa ng mga proyekto at takdang aralin, sa pagbibigay tulong sa ibang nahuhuli sa aralin. Nagkaroon ako ng mga taingang makikinig ng aking mga hinaing, suliranin, at agam-agam. Nakasasandig ako sa kanilang mga balikat kapag ako ay naiiyak, pinanghihinaan ng loob, at nauubusan ng lakas at pasensya.

Dahil sa ALS, nanumbalik ang kumpiyansa ko sa sarili. Akala ko ay hindi na ako maaaring makaagabay sa mga kaklase kong hamak na mas bata sa akin. Akala ko ay tuluyan nang pumurol ang aking isip; hindi na maaaring bumasa nang malinaw, may pang-unawa, at pagsusuri. Akala ko ay hindi na akong matututong magkuwenta muli, mag-multiply o mag-divide, at kunin ang lawak, volume at buong gilid ng isang hugis. Sa aking napag-aralan sa ALS, hindi na ako nakikiming magsalita sa harap ng maraming tao, makapanayam ng isang  manedyer o politiko, at makipagtagisan ng talino ukol sa isang isyu.

Ang pinakamagandang naidulot ng ALS sa akin ay ang pagiging ehemplo ko o modelo sa mga kabataan at matatandang hindi nakapag-aral o nahinto sa pag-aaral. Naipakita ko sa kanila na may pagkakataon pa upang makamit ang mga naudlot na pangarap. Hindi hadlang ang idad o katayuan sa buhay. Ang kailangan lang ay determinasyon, sipag, at tiyaga. Nariyan ang libreng pag-aaral sa ALS. Naghihintay at kumakatok sa mga mamamayang nawalan ng landas ang buhay. Pagkakataon itong idinudulot ng pamahalaan upang sa huli ay masambit din natin na "Sa ALS, may pag-asa!"  Totoo ito dahil ako ay isang halimbawa.