Magastos na Pamana
Isang mahalagang bahagi ng ating kultura ang mga ritwal at
pagdiririwang o kapistahan. Marami dito ay nag-uugat sa mga relihiyon. Mula noon hanggang ngayon,
ang relihiyon ay may malaking papel na ginagampanan sa ating buhay. Kristiyano man o Muslim.
Sinakop tayo ng mga Kastila sa mahigit na tatlong daang taon sa pamamagitan ng krus. Kaya naman, ang
Pilipinas ang tinaguriang nag-iisang Kristiyanong bansa sa Asya.
(Image from https://happyjuanderer.com)
Magadang araw sa inyong lahat. Layunin ng ating leksyon ngayon
ang lalo pang maunawaan ang kulturang Pilipino. Niyakap natin ng buong-buo ang relihiyon ng mga Kastila. Ang
Katoliko- isang relihiyong Kristiyano. Kaya naman hindi kataka-taka na marami tayong mga kaugalian
na na-uugat o may kaugnayan sa relihiyong Kristiyanismo. Nariyan ang prusisyon, nobena,
Katekismo at iba pang ginagawa ukol sa pananampalataya. Kaugnay rin sa relihiyon ang mga pamahiin,
paniniwala, at mga tradisyon. May kaugnayan rin sa relihiyon ang Pasko na nag-uumpisa sa Misa
de Gallo at nagtatapos sa Pista ng Tatlong Hari. Ang Semana Santa ay nagpapa-alaala sa atin ng
pagkamatay ni Hesus sa krus. Kaugnay din nito ang pag-awit ng pasyon, ang mga senakulo at Via
Crusis.
Ang mga Pilipinong Muslim naman ay nagdiririwang ng Hariraya
at maraming pang kaugaliang angkop sa Relihiyong islam.
Sa ating munting dula ngayon, isa pang element ng kulturang
Pilipino ang ilalarawan na may kaugnayan pa rin sa relihiyon.
Ating pakinggan ang dulang ito na pinamagatang “Magastos na
Pamana.”
Bakit kaya binigyan ng pamagat na “Magastos na Pamana” ang
ating dula? Pakinggan natin kung anong aspeto ng ating kultura ang maituturing na magastos at
may kaugnayan sa relihiyon. Sa ating dula, itatampok ang iba’t-ibang aktibidad na ginagawa ng mga
Pilipino para sa paghahanda sa kapistahan. Ang mga aktibidad na ito’y karaniwang may
kaugnayan sa relihiyon dahil ito’y bilang parangal sa Santong Patron ng lugar. Minsan lang sa isang
taon ipinagdiriwang ang pista. Ang mga tao’y talagang naghahanda ng masasarap na pagkain. Bukod sa
ginagawang isang parangal para sa patron ng lugar ang pista, ito ay nagsisilbi ring “reunion”
o pagsasama ng mga magkakamag-anak at magkakaibigan minsan sa isang taon.
Ang mga tauhang gaganap sa ating dula ay ang pamilya nila
Berto at Inang, at ang dalawa nilang teen- ager na anak na sina Angela at Arthur. Kasama rin sa kwento
ang kaibigan ni Angela na si Perla, na kasing-edad rin niya. Anu-anong paghahanda ang ginagawa ng
pamilya? Alin dito ang may kaugnayan sa relihiyon?
Perla: Hoy Angie! Kay aga-aga mo naman nilalagay ang kurtina
niyo. Aba’y sa isang buwan pa ang pista a.
Angela: Perla, ikaw pala! Daan ka muna!
Perla: Sabi ko’y ang aga mong magkabit ng kurtina.
Angela: E, pinalalagay na ni Inang. Halika na para makita mo
yung damit kong isusuot.
Perla: Talaga? O sige, andyan na ko!
Perla: Wow, Angela! Bilib na talaga ako sa’yo. Aba’y lalo
kang gaganda nito pagka isinuot mo ang damit na ito sa Santacruzan ng ating pista.
Angela: Ang Inang ang nanahi yan. Ang sabi niya’y dapat
talagang maganda ang isusuot ko dahil ako ang Reyna Elena. Aba, minsan lang daw akong mapili na
Reyna Elena. Sa mismong kapistahan pa ni Santa Monica.
Perla: Alam mo, talagang ang husay manahi ng Inang mo.
Lalong lilitaw dito ang iyong kagandahan.
Angela: Salamat Perla. E, ikaw? Tapos na ba ang damit mong
ipinatahi bilang sagala?
Perla: Naku, hindi pa nga Angie. Ang sabi ni Aling Itang na
modista, e kayang-kaya niya tapusin ito. Pero hangang ngayon naman wala pa. Aba’y naiinip na nga ako
e.
Angela: Matatapos din yun.
Perla: Oy! Siya nga pala, baka malimutan mo yung nobena
mamaya ha.
Angela: Naku, hindi. Ako pa. Alam mo naman ang Inang,
masyadong deboto sa Santo natin na si Santa Monica. Gusto mo ba akong mahambaslos ni Inang pagka
ako’y hindi sumama para sa kapistahan ni Santa Monica?
Perla: Mabuti na yung pinapa-alala. Tsaka isama mo narin
yung mga pinsan mo.Ay! Oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan. Sabi nga pala ni Father,
magmi-meeting daw tayo pagkatapos ng nobena. Pag-uusapan natin ang tungkol sa prusisyon na
gaganapin sa kapistahan.
Angela: O, di ba ang pamilya niyo ang naatasan sa pailaw?
Perla: Ay, oo! Taun-taon naman yan e. Naging tradisyon na
nga ng pamilya namin ang siyang bumili ng kandila para sa mga iilaw sa prusisyon. Atsaka
palagay ko, pag-uusapan din sa meeting natin mamaya kung sinu-sinong santo at santa ang isasama sa
prusisyon. Naku, tiyak akong maaatasan ako na igayak ang isa sa mga yon. Kung alin man
ang ibibigay sakin sumama ka naman ha? Para naman may makasama akong kakilala.
Angela: Oo! Yun lang pala eh.
Perla: Sige Angie, hindi na ko magtatagal. Wag mo kalimutan
ang meeting natin mamaya.
Angela: Oo! Wag kang mag-alala Perla. Sige, ipagpapatuloy ko
na ‘tong pakakabit nitong mga kurtina. Baka dumating na si Inang eh!
Perla: O siya, aalis na ko. Ba-bye.
Sa pag-uusap ng magkaibigang Angela at Perla, nalaman ninyo
ang iba’t-ibang aktibidad na ginagawa bago sumapit ang pista.
Masasabi ba ninyo kung anu-ano ang mga ito?
Anong paghahanda sa bahay ang ginagawa ni Angie?
Ano namag paghahanda ang ginawa sa simbahan?
Ipagpatuloy ang
pakikinig sa dula at marami pang mga aktibidad na may kaugnayan sa pista ang inyong
malalaman.
Inang: O, saan ang punta mo Arthur? Gabing-gabi na e,
nagbibihis ka yata.
Arthur: Sa Plaza po Inang. Manonood kami ng mga kaibigan ko
ng perya.
Inang: Baka naman magpa-gabi ka pa ng husto niyan ha, bata
ka. Pagkatapos e tanghali na kung magising ka kinabukasan.
Arthur: Naku, ang Inang naman. Bakasyon naman ngayon e.
Tsaka taunan lang kung magkaron ng perya dito sa ‘tin. Titingnan lang namin kung ano ang mga
bago ngayon sa peryahan.
Inang: O sya, sya. Sige, sige, wag kang masyadong
magpapadis-oras ng gabi ha?
Arthur: Opo, Inang. A, sya nga ho pala. Alam niyo bang isang
dosenang banda ang dadating sa bisperas ng pista?
Inang: O sya nga ba? Naku kay dami pala. E di ang laki ng
ginastos ng ating bayan para sa pista ha?
Arthur: Hindi naman lahat yun para sa pista, Inang. Mga
tatlong banda lang ata ang talagang inarkila para sa pista. Ang iba, tutugtog sa bisperas at
magkakaron ng paligsahan ng mga banda.
Inang: Talaga?
Arthur: Opo.
Inang: Aba, aba! Maganda yan manonood ako. Tiyak na maganda
ang laban.
Arthur: Kaya nga po binalita ko agad sa inyo. Alam ko naman
na mahilig kayo manood at makinig sa tugtog ng mga banda.
Inang: Ay, oo nga! Alam mo nung isang taon e walang
paligsahan ng mga banda. Buti naman at meron ngayon.
Arthur: Inang inimbita po ni Mayor yung mga yun. Alam niyo
naman, eleksyon sa susunod na taon.
Inang: Talaga yang si Mayor oh!
Arthur: Hahaha! Sige na aalis na ko. Baka hinihintay na ko
ng mga kaibigan ko.
Inang: O sya, sige. Lakad na!
Ano pang mga aktibidad na may kaugnayan sa pista ang inyong
nalaman?
Saan pupunta si Arthur?
Ano ang ibinalita nya sa kanyang ina na labis na ikinatuwa
nito?
Ilang banda ng musiko ang darating sa bisperas ng pista?
Sige, ituloy ninyo ang pakikinig at marami pa kayong
malalaman.
Berto: Ay, naku! Ang hirap naman sibakin ng mga kahoy na
ito. Hay! Medyo sumasakit na ang likod ko.
Inang: Berto! Hoy, Berto!
Berto: O? Bakit ba? Nandito ako sa likod ng bahay.
Inang: Hindi pa tapos yang sinisibak mo, ha?
Berto: Napaka-hirap sibakin nitong kahoy na ito! Bakit ba?
Ano bang kailangan mo, matanda ka?
Inang: E, mangyari e, nanghihiram ng hagdanan yung mga
kabataan. E, naglalagay na sila ng banderitas.
Berto: Hay nako! Ibigay mo, nandiyan lamang sa likod ng
bahay ang hagdan.
Inang: O, tingnan mo ang matandang ito. Madadala ko ba yun?
Kaya nga kita tinawag e.
Berto: E bakit? Wala ba yang anak mong si Arthur?
Inang: E naku, ewan ko kung san nagsusuot yang batang yan.
Nakakahiya yang batang yan. Ang kapareho niyang kabataan, hayan naglalagay na ng banderitas.
Hindi lamang tumutulong yan.
Berto: Hay! Sige, ipahanap mo kay Angela. Nakakahiya naman
kay Kapitan. Baka sabihin hindi man lamang tayo makatulong sa pagga-gayak ng pista. Yung
anak mo, dapat tumulong.
Inang: Talaga.
Berto: Ipakuha mo na lang sa mga kabataan yung hagdan. Ituro
mo sa kanila.
Inang: Siya nga pala Berto, e pumunta si Kumpareng Tomas.
Nakikiusap siya sa hita mula sa baboy na kakatayin natin a pista. E ang sabi ko’y ikaw ang
kausapin.
Berto: Bakit? Hindi ba magkakatay sina Pareng Tomas?
Inang: Aba! Nakalimutan mo na ba? Hindi mo ba naala-ala?
Yung baboy na nakalaan sa pista ay namatay.
Berto: Nako, e ang laki pala ng problema ni Kumpare. Bibili
pa siya ng baboy.
Inang: Oo nga! Kaya nga siya nakikiuasap satin miski na
isang hita lamang. Tila may nakuha na siyang isang hita galing kina Aling Sally.
Berto: Ganun ba? E, ikaw, ano sa palagay mo?
Inang: E, pwede natin silang pagbigyan, tutal malaki naman
yang ating baboy.
Berto: O sige! Kung sa palagay mo’y pwede. Sige, tignan mo
nga ‘tong kahoy na sinisibak ko. Itong mga ito, tama na ba ‘to para sa pang-gatong sa pista?
Inang: Aba’y baka magkulang yan! Dagdagan mo pa. Alalahanin
mong magluluto pa tayo ng kalamay.
Berto: Hay, hay, hay. Kay hirap magsibak ng kahoy! Hay naku!
Inang: Ay, santisima! Nakalimutan ko yung mga batang
nanghihiram ng hagdan. O sya, dyan ka na. Naghihitay nga pala sila.
Malinaw na pista ang inilarawan sa ating dula. Ang pista ay
taun- taon nating ipinagdiririwang.
Anu –anong mga paghahanda ang ating ginagawa bago sumapit
ang kapistahan?
Anong mga paghahanda ang ating ginagawa sa ating pamamahay?
Sa ating mga sarili?
Sa ating munting dula nagsisilbing ating leksyon, anong
mahahalagang aral ang inyong natutunan?
Kayo ba sa inyong lugar ay nagdiririwang din ng kapistahan?
Anu-anong mga kaugalian o paniniwala at paghahanda ang
inyong nalaman mula sa ating dula?
Anong papel ang ginagampanan ng kapistahan sa ating buhay?
Bakit tayo naghahanda ng masasarap na pagkain kapag pista?
Pista! Pista! Kay saya kapag may kapistahan! Malaking
handaan. Mga banda ng musiko. Prusiyon, peryahan, mga palaro, Santakrusan. Ang mga ito’y bahagi ng
ating kultura. Ang mga ito’y minana nating kaugalian sa mga Kastila. Hindi ba’t isang magastos
na pamana ang pista para sa atin?
Magastos at masaya ang pista. Ngunit, kailangan bang maging
magastos ito kung minsan lang sa isang taon kung ipagdiwang at parangalan ang patron? Ano sa
palagay nyo? Bakit?
=====
NOTE: Hindi ko pag-aari ng dulang nasa itaas. Ito ay parte ng pag-aaral ng mga ALS Learner. Ang dulang nabanggit ay mula sa ALS Resources - ICT$ALS - RBI Scripts at matatagpuan sa website na ito: https://sites.google.com/view/ict4als/ict-resources-for-als/rbi-episodes