Nais Mo Bang Pumasa sa ALS A&E
Test?
Marahil, malakas na “OO” ang isasagot ng mga mag-aaral ng
Alternative Learning System (ALS) sa buong bansa. Sinuman kasi ang ayaw na
makatanggap ng diploma sa elementarya at sertipiko sa Junior High School na
magiging sandigan nila upang maipagpatuloy pa ang naudlot na pag-aaral o
magkaroon ng trabaho sa hinaharap. Gayunman, hindi madali ang pumasa sa
pagsusulit kung hindi pagtutuunan nang husto ang ginagawang pag-aaral at/o
pagrerebisa o pagre-review ng mga aralin at kasanayan na dapat matutunan ng
isang ALS learner.
Paano masisiguro ang pagpasa sa ALS
A&E?
Walang
kasiguruhan ang pagpasa sa pagsusulit ng Accreditation & Equivalency o A&E
dahil kung mayroon, wala sanang bumabagsak taun-taon. Magkagayunman, ang tsansa
ng pagpasa ay tataas kung malalaman at susundin ang ilang payo o tips sa
pagpasa sa eksamin.
Dahil sa
paglaganap ng Covid-19, naudlot ang pagpasok ng mga mag-aaral sa ALS sa
kanilang mga learning centers. Kakaunti na nga lamang ang inilalagi nila sa
silid-aralan ay nabawasan pa ito nang kumalat ang nakahahawa at nakakamatay na
pandemiya. Dagdag rito, wala pa ring kasiguruhan kung kailan magaganap ang
malawakan at pambansang pagsusulit dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin
itinatakda ang pagrerehistro at pagsusulit ng Department of Education (DepEd).
Ano ang maaaring gawin habang
hinihintay ang A&E test?
Tiyak na
magkakaroon ng pagsusulit ng A&E sa taong ito. Ang petsa nga lamang ang
hindi pa itinatakda ng DepEd dahil mas pinili ng pamahalaan at ng kagawaran ang
kaligtasan ng mga mag-aaral. Dahil dito, nararapat lamang na ipagpatuloy ng mga
ALS learners ang kanilang ginagawang pag-aaral at pagre-review sa loob ng
kani-kanilang tahanan lalo ngayon na mas marami silang oras na gawin iyon
habang hinihintay ang araw ng pagsusulit.
Kung bentahe
sa iba, ang maraming oras sa pag-aaral ay problema rin ng ilan dahil
nagkakaroon sila ng dahilan upang ipagpaliban ang pagrerebisa at tamarin sa
pag-aaral, lalo na at makikitang pabandying-bandying lang ang mga kasamahan sa
bahay. Dahil dito, nararapat na sundin ang mga payo at tips sa ibaba upang
lumaki ang tsansang makapasa sa A&E. Sundin ang mga payong ito habang
nagre-review, bago ang pagsusulit at sa oras ng pagsusulit.
Mga Tips Habang Nagre-review sa Pagsusulit ng ALS A&E
1. Magkaroon ng regular na oras sa pag-aaral at
pagre-review.
Habang hinihintay ang pagsusulit,
makatutulong ng malaki ang pagkakaroon ng regular na oras sa pag-aaral at
pagre-review. Hindi mahalaga kung ilang oras sa isang araw o ilang araw sa
isang linggo ito gawin. Ang mahalaga, mayroon tayong oras sa pag-aaral. Piliin
ang oras kung saan hindi pa tayo nagsisimula sa ating kinagisnang trabaho sa
bahay upang gumana nang husto ang ating memorya. Maaari itong gawin pagkagising
sa umaga matapos kumain ng almusal.
Ang regular
na pag-aaral ay maaari ring gawin pagkatapos ng nakaatang na trabaho sa bahay.
Tiyakin lamang na tayo ay nakapagpahinga na at relaks na ang ating utak dahil
kung hindi ay walang papasok sa ating kukote.
2. Basahin ang mga modules na ibinigay ng mga
guro.
Kung may
modules na ibinigay ang ating guro, basahin ang mga ito ng may pang-unawa.
Isulat sa isang kuwaderno ang mga leksyon na hindi masyadong maunawaan. Sa
pamamagitan ng cell phone, Facebook messenger at anumang media na mayroon,
hingin ang paliwanag ng guro ukol sa mga leksyon na malabo sa iyong pang-unawa.
Maaari ring kausapin ang mga kasama sa bahay at mga kaklase tungkol dito. Ang
mahalaga, naunawaan natin ang mga leksyon bago pa ang pagsusulit.
3. Sumapi sa mga Facebook Groups ukol sa ALS
A&E.
Kung may free
data at Facebook account, sumali sa mga Group o Pages ukol sa Alternative
Learning System (ALS) upang makakalap ng malawak na impormasyon tungkol sa
programang ito at makapag-review.
4. Maging
aktibo sa Facebook Group na sinalihan.
Hindi sapat
ang sumapi lamang tayo sa isang samahan. Nararapat na maging aktibo tayong
miyembro upang maging malawak ang ating kaalaman. Sa halip na sumagot lamang sa
mga review questions na naka-post sa grupo, mag-post din tayo ng ating mga
tanong lalo na yaong hindi natin lubos na nauunawaan. Dahil dito, natututo na
tayo at natuturuan pa natin ang ibang mga kasapi. Hindi sapat ang “seen” lang, dapat
ay nag-iiwan din tayo ng komento para mapalawig pa ang ating kaalaman.
5. Magbasa ng mga blogs tungkol sa
ALS.
Kung malakas
ang signal at mayroon internet connection, ugaliing magbasa ng mga blogs
tungkol sa ALS. Karamihan sa mga blogs na ito ay mayroon ding mga review
questions at tutorials na maaari nating pakinabangan. Ang ilan ay mayroong mga
posts tungkol sa mga nakaraang pagsusulit. Subuking sagutin ang mga review
questions na nakapaloob sa mga blogs.
6. Mag-group study
Maaari pa rin
ang group study kahit lockdown. P’wede itong gawin sa pamamagitang ng Group
Chat sa Messenger o anumang Apps na maaaring magkitakita at makapag-usap ang
isa’t isa. Ito ay posible kung malakas ang signal at mayroong internet
connection. Maaari rin itong gawin via messenger sa Facebook o text message sa
cell phone. Ang mahalaga, nagtutulong-tulong ang bawa’t isa upang matuto ng mga
aralin at maibahagi ito sa iba pa.
7. Alamin ang mga kasanayan (learning
competencies) ng bawa’t strand
Maging
pamilyar tayo sa mga paksa o kasanayan na nilalaman ng mga learning strands na
kabilang sa pagsusulit para roon natin i-pokus ang ating atensyon sa pag-aaral
at pagrerebisa. Kapag alam natin ang mga paksang nakapaloob sa test, magagamit
natin nang husto ang ating oras sa pang-unawa sa mga ito. Itanong ang mga
learning competencies ito sa ating mga guro.
Mga Tips Bago ang Araw ng Pagsusulit sa ALS A&E
Mahalaga ring sundin ang ilang
payo bago ang araw ng pagsusulit sa ALS A&E upang lumawig pa ang porsyento
upang pumasa rito.
1. Mag-mock test at dumalo sa final
briefing
Kung sakaling
maaari nang lumabas at pumunta sa mga learning centers, makiisa sa gagawing
mock test upang maging pamilyar sa tipo ng pagsusulit na ibibigay sa aktuwal na
test. Mahalaga rin ito upang maranasan ang pakiramdam ng kumukuha ng pagsusulit
at maiayon ang sarili sa aktuwal.
Importante
rin ang pagdalo sa final briefing bago ang araw ng pagsusulit, upang malaman
ang mga pagbabago, kung meron, sa oras at lugar ng pagdarausan ng test.
Magkaminsan, nagkakaroon din ng pagkakataon na magbigay ng mga tips at payo ang
mga guro sa araw na ito.
2. Magrelaks dalawang araw bago ang araw ng
pagsusulit.
Mahalaga ang
pagiging kalma ng ating katawan at utak bago sumabak sa isang karanasang hindi
kanais-nais o pinagmumulan ng kaba o nerbyos. Maaari tayong pumaroon sa isang
bahay dasalan upang manalangin, mamasyal sa ibang lugar, o maglibot-libot at
huminga nang malalim sa loob ng bakuran.
3. Alamin at/o puntahan ang lugar ng
pagdarausan ng pagsusulit
Kung hindi mo
alam ang pagpunta o nasaan ang lugar ng pagdarausan ng pagsusulit na nakaatang
sa iyo, nararapat na ito ay iyong puntahan upang maging pamilyar ka sa lugar at
malaman mo kung ilang oras ang kakailanganin upang marating mo iyon. Ito ay
mahalaga upang hindi ka mahuli sa pagsusulit.
4. Sa gabi bago ang pagsusulit, ihanda
ang mga kailangang dokumento sa araw ng pagsusulit
Alamin at
ihanda ang mga gamit at dokumento na kakailanganin sa araw ng pagsusulit.
Magdala ng pambura, 3 lapis na may tasa na, ballpen, test permit, at ID kung
ang mga ito ang kailangan. Ihanda na rin
ang babauning tubig at pagkain.
Mga Tips sa Araw ng Pagsusulit ng ALS A&E
Sa pagdating ng araw na
pinakahihintay, makatutulong ang pagiging aktibo hindi lamang ang katawan kundi
ang isip dahil nakasalalay sa araw na ito ang katuparan ng iyong mga pangarap.
Malaki ang tsansa ang makapasa sa pagsusulit kung susundin ang mga tips sa
ibaba:
1. Mag-agahan nang sapat sa araw ng pagsusulit
Sa oras ng
pagsusulit, agahan ang gising at mag-almusal nang sapat. Huwag kumain ng mga
pagkain na magpapalakas ng kaba sa dibdib o magpapanerbiyos tulad ng kape. Mas
mainam uminom ng tsaa na nagpapakalma ng tiyan. Iwasan ang uminom ng gatas o
kumain ng itlog kung ang mga pagkain ito ay nagkakaroon ng kakaibang pakiramdam
sa iyong tiyan.
2. Maligo at dumumi kung oras ng iyong
pagdumi
Dapat ay
maging presko ang ating pakiramdam at ayos din ang timplada nito habang
kumukuha ng pagsusulit. Malaking balakid kung nakakaramdam tayo ng init sa
ating katawan o pagkabalisa sa ating tiyan.
3. Magdala ng pagkain at tubig
Dahil inaabot
ng tatlo o higit pang oras ang pagsusulit ng A&E, magdala ng makakain at
maiinom upang ating kainin at inumin sa oras na pinahihintulutan ng
nagbabantay.
Isama rito ang mansanas, saging, at kendi, maliban sa bote ng
tubig. Kung pahihintulutan ang pagkain ng tanghalian, magdala rin ng pananghalian
upang makatipid at nang mayroong makain.
4. Siguraduhing nadala ang mga gamit
at dokumentong kailangan sa pagsusulit
Bago umalis
ng bahay at bumaba ng sasakyan, siguraduhing bitbit mo ang mga lapis, pambura,
atbp., at mga dokumentong kailangan sa pagsusulit.
5. Dumating sa lugar ng pagdarausan ng
pagsusulit isang oras bago ang itinakda
Mahalagang
dumating sa lugar ng pagsusulit nang mas maaga upang hindi magahol sa oras at
hindi nagmamadali. Nakatutulong ito upang maging kalma at maiwasan ang
nerbiyos. Bago pumasok ng silid-aralan kung saan kukuha ng pagsusulit, dumaan
sa palikuran upang umihi o magbawas kung kinakailangan.
Iwasang
pumunta sa lugar ng pagsusulit nang sobrang aga dahil delikado rin ito. Huwag
pumasok sa paaralan kung iilan pa lamang ang mga kukuha ng pagsusulit at wala
pang mga guro at kawani na magbabantay at mamamahala ng pagsusulit.
6. Pakinggang mabuti ang direksyon ng
gurong nagbabantay
Upang hindi
magkamali sa pagsagot sa mga impormasyong kailangang ilagay sa test paper o
answer sheet, makinig mabuti sa mga sinasabi ng nagbabantay o proctor. Kung
hindi maliwanag ang direksyon, huwag makiming magtanong.
7. Basahin at unawaing mabuti ang mga
panuto o direksyon ng pagsusulit
Bago sumagot
sa pagsusulit, unawain ang panuto. Kung bibilugan, i-si-shade o isusulat ang titik ng tamang sagot sa
answer sheet, siguraduhing ito ang hinihingi ng direksyon.
8. I-budget ang oras na nakalaan sa
bawat learning strand at sa bawat tanong
Bigyan ng
tamang oras ang bawat tanong dahil ang bawat puntos ay mahalaga. Kung
nahihirapan sa isang tanong, piliin ang sa iyo ay nararapat. Kalimutan na ito
at mag-pokus sa susunod na mga tanong. Lagyan ng maliit na marka ang mga tanong
na hindi ka masyadong sigurado sa iyong sagot at balikan ito kung may natitira
ka pang oras.
Kung natapos ka nang mas maaga sa oras na inilaan, rebisahin ang
iyong mga sagot. Siguraduhing wala kang tanong o numerong nakaligtaan o
nalaktawan.
9. Sa pagpili, ihiwalay ang dalawang
posibleng sagot at gamitin ang common sense sa pagpili
Huwag nang
pagtuunan pa ng oras ang mga pagpipilian na napakamalayo sa tamang sagot.
Mag-pokus sa dalawang posibleng tamang sagot. Kailangan ito upang huwag gahulin
sa oras at magkaroon ng sobrang oras na rebisahin ang mga tanong na hindi
sigurado ang sagot.
10. Maging kalma sa oras ng pagsusulit
Bago simulan
ang pagsagot, magdasal at huminga nang malalim. Mag-pokus sa pagsagot at huwag
intindihin ang mga nasa paligid maliban sa sinasabi ng nagbabantay o proctor.
Iwasan ang paglingon-lingon sa loob at labas ng silid. Kapag nakarama ng
pagbablanko ng isip, tumigil saglit, huminga nang malalim at ipagpatuloy ang
pagsagot.
11. Sa pagsagot ng mga tanong hinggil
sa tekstong binasa, graph o chart, basahin muna ang tanong bago basahin ang
buong artikulo
Sa mga
Reading Compehension at/o Analysis of Charts and Graphs, ipinapayong basahin
muna ang mga tanong bago basahin ang buong artikulo o kilatisin ang chart at
graph para habang binabasa ay nalalaman na natin ang sagot sa mga tanong.
Gayunman, huwag gawin ang isang basa ng tanong, isang basa ng artikulo. Ang
gawin, basahin ang LAHAT ng tanong hinggil sa artikulo at basahin NANG BUO ang
artikulo o teksto. Unawain ang teksto, chart, at graph sa unang pagbasa pa
lamang upang hindi magahol sa oras.
12. Manghula ng sagot
Kung hindi mo
alam talaga ang tamang sagot, mas mainam na manghula ng sagot kaysa hindi
sagutin ang tanong. Ang tanong na walang sagot ay tiyak na MALI samantalang may
TSANSANG maging tama ang isang hulang sagot.
13. Magdasal at magpasalamat sa iyong
panginoon matapos ang pagsusulit
Bago ipasa
ang iyong answer sheet sa proctor, tiyaking tama ang mga impormasyong inilagay
mo rito lalo na ang baybay ng iyong pangalan upang hindi maging kaso. Tiyaking
nasagot mo lahat ang learning strands.
Pagkalabas ng
silid, magdasal at magpasalamat sa iyong panginoon dahil nakasalalay na sa
kanyang mga kamay ang katuparan ng iyong mga pangarap. Huwag nang pag-usapan pa
ang mga tanong at sagot sa pagsusulit upang maiwasan ang stress. Hintayin na
lamang ang resulta ng pagsusulit nang punumpuno ng pag-asa at pananabik dahil
tiyak na pumasa ka sa ALS A&E test.
GOOD LUCK and
GOD BLESS!