Showing posts with label ALS fo OFW. Show all posts
Showing posts with label ALS fo OFW. Show all posts

Tuesday, October 17, 2023

ALS Para sa mga OFW, Meron na nga ba?

Mayroon na nga bang Alternative Learning System (ALS)  program para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW)? Ito ang tanong ng mga manggagawang Filipino na nasa ibang bansa na hindi nakatapos ng elementarya o high school. Nais kasi nilang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral upang makamit ang patunayan o sertipiko ng pagtatapos, sa elementary, junior high school JHS), o senior high school (SHS) level.

(Image from https://www.facebook.com/groups/alsforglobalfilipino)

Sa kasamaang palad, wala pang memorandum o order ang ipinalalabas ng DepEd (Department of Education) para magkaroon ng ALS for OFW, modular, face-to-face, o online man. Marahil, hindi pa marami ang humihiling para magkaroon nito. Sa ibang salita, kokonti pa ang tinig ng mga OFW na nais magkaroon ng ganitong programa.

May mga OFW na nakatapos ng ALS kahit sila ay nasa ibang bansa. Ano ang kanilang ginawa upang makakuha ng katunayan, diploma, o sertipiko? Simple, nag-enrol sila bago umalis ng bansa o ipinarehistro ng kanilang mga kamag-anak. Nagmeme-message sila sa kanilang mga guro tungkol sa mga aralin, proyekto, at requirements sa pamamagitan ng cellphone, FB messenger, at email o sulatroniko. Naging madali ang sistemang ito nitong nagdaang tatlong taon dahil halos modular at online ang ginamit na pamamaraan sa pag-aaral dahil sa banta ng Covid-19. Hindi nagkaroon ng Accreditation and Equivalency (A&E) test kung kaya't portfolio lamang ng mga ALS learners , oral at written test, at interview o panayam ang ginamit na batayan upang pagkalooban ng katunayan ang mga pumasa sa ALS. 

Sa taong ito, bukod sa portfolio, baka magkaroon na ng A&E test. Ano ang maaaring gawin ng mga OFW na nakarehistro sa ALS sa taong ito? Isa lang ang kanilang maaaring gawin upang makakuha ng pagsusulit? Humingi ng bakasyon sa panahon ng pagsusulit.

Dahil sa senaryong nabanggit, dapat na dumami ang boses ng mga OFW na nagnanais makapag-aral sa pamamagitan ng ALS. Dapat ay lumikha sila ng isang grupo na hihiling kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, na siya ngayong Kalihim ng Edukasyon, na gumawa ng isang kautusan upang maisagawa rin sa mga OFW ang programa ng ALS. 

Paano maisasagawa ang ALS sa ibang bansa?

1. Maaaring gamitin ang pasilidad at tauhan ng mga Philippine schools, embahada, at/o konsulado para rito. Pwede silang maging ALS learning centers at ALS implementors.

2. Online ALS for OFW. Maaaring magkaroon ng ALS portal para sa mga OFW.

3. Modular. Dahil nasa mga website naman ang mga ALS resources (modules), maaari i-print ang mga ito o basahin online.

4. Performance Portfolio Assessment at/o A&E Test. Maaari itong gawin sa mga Philippine schools, embahada o konsulado, tulad ng mga PRC board exams.

Marahil ay hindi naman ganon kahirap magkaroon ng ALS for OFW. Kailangan lamang ng maraming boses ang mga OFW at determinasyon ang DepEd. Ito na ang panahong upang hindi mapag-iwanan ang ating mga OFW na itinuturing na mga bagong bayani. Sana ay magkaroon na nito sa isang taon.