Showing posts with label hydroponics. Show all posts
Showing posts with label hydroponics. Show all posts

Friday, December 3, 2021

Ano ang Hydroponics at Bakit ito Mahalaga?

         Ang populasyon ng mundo ay patuloy na dumarami. Sa kasalukuyan, nalalapit na sa 8 bilyon ang naninirahan sa mundo. Dahil dito, patuloy ring tumataas ang layuning makamit ang mga pangunahing pangangailangan para mabuhay. Sa paghahangad na magkaroon ng matitirhan, nakokompromiso ang lupang pagkukunan ng pagkain. Ang mga palayan ay nagiging subdivision sanhi upang malimitahan ang pagproprodyus ng pangkain. Dahil dito, isa ang hydroponics sa nakikitang alternatibo ng agrikultura upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain.


        Ano nga ba ang hydroponics? Nagmula ang hydroponics sa mga salitang Griyego na "hudor" na ang ibig sabihin ay "tubig" at "ponos" na may kahulugang "trabaho". Samakatuwid, ang hydroponics ay may kinalaman sa "pagtatrabaho sa tubig." Katunayan, ang hydroponics o hydroponic gardening ay isang alternatibong pamamaraan ng paghahalaman na gumagamit ng tubig sa halip na lupa. 

        Ano-ano ang pagkakapareho at pagkakaiba ng hydroponics sa tradisyonal na pagtatanim? Ang pangunahing pagkakaiba ng hydroponics at tradisyonal na pagtatanim ay may kinalaman sa lupa. Hindi kinakailangan ng hydroponics ang lupa upang makapagprodyus ng halamang-pagkain. Gayunman, ang dalawang pamamaraan ay nangangailangan pa rin ng liwanag, oxygen, tubig, at carbon dioxide.  Sa tradisyonal na pagsasaka, nakukuha ng mga halamanan ang mga nutrisyong kailangan nito mula sa lupa. Sa hydrodopics, sa halip na magmumula sa lupa ang mga nutrisyong kailangan ng halaman, ang mga ito ay direkta nang inihahalo sa tubig na pagtatamnan. Kadalasan, ang mga ugat ng mga halaman sa tradisyonal na pagsasaka ay sapat na upang suportahan ang kanyang sarili. Nangangailangan ng mga growing media tulad ng tali o lubid,  tukod, paper towels, filter paper, vermiculite, perlite, at petri dishes ang mga tanim sa pamamagitan ng hydroponics upang ang mga ito ay mabuhay at maging matatag. 

        Bakit mahalaga ang hydropnics? Ang paggamit ng hydroponics ay nagbibigay ng maraming pakinabang sa mga magsasaka o nagtatanim ng halaman na tila walang magawa kapag may mga problemang lumilitaw bilang resulta ng mga pagbabago, natural man o gawa ng tao, sa kapaligiran. Ilan sa mga bentahe ng hydroponics ay ang mga sumusunod:

        - Ito ay nagpapahintulot sa mga halaman na tumubo sa mga lugar kung saan ang pagtatanim ay tila imposible–halimbawa, mga disyerto, mga lugar na natatakpan ng yelo, mga submarino at maging sa mga laboratoryo sa kalawakan.

        – Nababawasan ng hydroponics ang pagdepende sa lupa. Kaya, kahit na ang mga sustansya sa lupa ay naubos na, ito ay maaaring palitan ng isang sustansyang solusyon na maaaring mabili ng pre-mixed o nakahanda.

        – Tinitiyak nito ang mas mabilis na paglaki at mas malusog na mga halaman dahil ang mga sustansya ay direktang ipinapasok sa mga ugat ng halaman. Ito ay hindi tulad ng tradisyonal na pagtatanim, kung saan ang mga ugat ng halaman ay nag-aaksaya ng maraming enerhiya mula lamang sa "paghanap" ng mga sustansya kaysa sa paglaki.

        – Ito ay environment friendly. Ang pag-aalis ng mga sakit na nagmumula sa lupa ay humantong sa kaunting paggamit ng mga pestisidyo.

        – Ito ay nagpapahintulot sa lupa na maibalik ang sarili nito nang walang anumang kaguluhan mula sa mga magsasaka o nagtatanim ng halaman.

        Kahit maraming bentahe ang paggamit ng hydroponics sa pagtatanim, ito ay hindi nag-iisang solusyon sa ating mga problema sa pagtatanim. Marami ring limitasyon ang hydroponics. Unang-una na rito ay ang gastusin, Hindi kaya ng ordinaryong magsasaka ang bumaling agad sa hydroponics dahil nangangailangan ito ng malaking halaga sa unang paghahanda pa lamang at sa pagmimitini. Pangalawa, ang karaniwang magsasaka ay mahihirapang sundin ang mahigpit na pangangailangan ng halaman sa hydroponic gardening. Pangatlo, hindi lahat ng uri ng gulay ay maaaring itanim sa pamamagitan ng hydroponics. Yaon lamang mga halaman ng may matitibay at magagaspang na mga ugat ang mainam na itanim.

        Ating napag-alaman na ang hydroponics ay hindi isang perpektong alternatibong pamamaraan ng agrikultura. Tulad ng anumang iba pang sistema, mayroon itong mga disadvantages. Ang pinakamahalagang aral na itinuturo ng hydroponics ay ang pagdepende sa lupa ay hindi maaaring magpatuloy magpakailanman. Magagawa pa rin ang pagkain kung isasaalang-alang lamang nating subukan ang iba pang mga "materyal" na maaaring mas bersatil at marami.

--o0o--

Sanggunian:

ALS Module on Hydroponics