Showing posts with label OFW. Show all posts
Showing posts with label OFW. Show all posts

Wednesday, November 16, 2016

Ang Edukasyon at Mga Tao - Isang Sanaysay

Isang Sanaysay....


(Image from http://www.philippinecollegian.org/failing-education/)

Mahalaga at malaki ang epekto ng edukasyon sa Pilipinas at sa mga Filipino. Hindi sapat ang maraming likas na yaman ng isang bansa upang umunlad. Malaking bahagi ng pag-unlad ang nakasalalay sa kalidad ng kanyang mga mamamayan. Dahil dito, nakapokus ang atensyon ng isang ordinaryong pamilyang Filipino sa edukasyon ng kanyang mga anak. Para sa maraming magulang, sa pamamagitan lamang ng edukasyon kung paano nila maiaangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay. 

Sa tipikal na pamilyang Filipino, hindi alintana ng mga magulang ang hirap mapagtapos lamang ang kanilang mga anak. Kasabihan na, “ang edukasyon ay isang tanging yaman na maaari nilang maipamana sa kanilang mga anak na hindi makukuha ninuman.” Kaya liyad ang dibdib ng mga magulang kapag nakapagtapos sila ng anak anumang antas ng pag-aaral ito. Halata ang magmamalaking nadarama habang pinagmamasdan ang diplomang nakasabit sa dingding at larawan ng anak na nakatoga. Sa isang banda, isa ring malaking kabiguan kung hindi magawang papag-aralin ng isang magulang ang kanyang mga anak o hindi ito nakatapos sanhi ng sariling kapabayaan. Ang kabiguang ito ay ipinalalagay ng isang magulang na hindi niya nagampanan nang maayos ang pagiging magulang.

Hindi man tuwirang masasabing nakasalalay nang lubos sa edukasyon ang kaunlaran ng Pilipinas, masasabing malaki ang bahagi ng may pinag-aralan at kasanayan ng mga Filipino sa imahe at ekonomiya ng bansa. Patunay rito ang pagdagsa ng mga  manggagawang Filipino o tinaguriang OFW (Overseas Filipino Worker) sa iba’t ibang panig ng mundo upang magtrabaho. Noong 2011, umabot na sa 1,850,463 ang mga trabahador sa ibang bansang naproseso ng Philippine Overseas Employment Agency o POEA ayon sa datos na nakasulat sa kanilang webpurok (www.poea.gov.ph). Hindi pa kabilang sa mga ito yaong mga hindi dokumentadong manggagawa. Ang pagkuha ng mga ibang bansa sa manggagawang Filipino ay nakasalalay hindi lamang sa kanilang pananaw sa trabaho kundi sa antas ng kanilang edukasyon at kasanayan. Isa na rito ang pagsasalita at pag-intindi sa wikang Ingles. Ito rin ang kadahilanan kung bakit maraming dayuhang kumpanya ang kumukuha sa mga Filipino upang maging call center agents. Dahil sa padalang pera ng mga OFWs na inabot na ng 21.4 bilyon dolyar noong 2012 ayon sa istadistika ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nakaiwas ang Pilipinas sa pagbulusok ng ekonomiya noong mga nakaraang taon.


Gayunman, kahit na napanatili ng Pilipinas ang katatagang pang-ekonomiya, masasabing may masamang epekto rin ang pagiging edukado ng mga Filipino. Dahil sa kaway ng masaganang buhay at oportunidad, maraming mga dalubhasang Filipino at propesyonal ang nahirating magtrabaho at manirahan sa ibang bansa. Ang maramihang paglisan ng mga eksperto at may natatanging kasanayan upang magtrabaho sa ibayong-dagat ay tinaguriang brain drain sa wikang Ingles. Nakalulungkot lamang isipin na karamihan sa mga propesyonal na ito ay produkto ng mga paaralang-pampubliko o yaong mga kolehiyo at pamantasang ginagastusan ng pamahalaan tulad ng UP at iba pa. Obserbasyon nga ni Ronald Meinardus sa kanyang talumpati sa isang seminar na dinaluhan, dahil sa pangit na sistema ng edukasyon, pinopondohan nang hindi sinasadya ng pamahalaang Pilipinas ang mayayamang bansa kung saan nagtatrabaho ang mga OFWs. Masasabi kong tama ang pananaw na ito kahit na nga may benepisyo ring nakukuha ang Pilipinas sa pangingibang bansa ng mga Filipino. Ito ay sa kadahilanang ang kanilang talento ay mas matagal na pinakikinabangan ng mga bansang pinagsisilbihan kaysa sa Inang Bayang pinagkunan ng kaalaman.