Showing posts with label Magastos na Pamana. Show all posts
Showing posts with label Magastos na Pamana. Show all posts

Thursday, October 12, 2023

ALS Audio Lesson 1: MAGASTOS NA PAMANA

 Magastos na Pamana

Isang mahalagang bahagi ng ating kultura ang mga ritwal at pagdiririwang o kapistahan. Marami dito ay nag-uugat sa mga relihiyon. Mula noon hanggang ngayon, ang relihiyon ay may malaking papel na ginagampanan sa ating buhay. Kristiyano man o Muslim. Sinakop tayo ng mga Kastila sa mahigit na tatlong daang taon sa pamamagitan ng krus. Kaya naman, ang Pilipinas ang tinaguriang nag-iisang Kristiyanong bansa sa Asya.

(Image from https://happyjuanderer.com)

Magadang araw sa inyong lahat. Layunin ng ating leksyon ngayon ang lalo pang maunawaan ang kulturang Pilipino. Niyakap natin ng buong-buo ang relihiyon ng mga Kastila. Ang Katoliko- isang relihiyong Kristiyano. Kaya naman hindi kataka-taka na marami tayong mga kaugalian na na-uugat o may kaugnayan sa relihiyong Kristiyanismo. Nariyan ang prusisyon, nobena, Katekismo at iba pang ginagawa ukol sa pananampalataya. Kaugnay rin sa relihiyon ang mga pamahiin, paniniwala, at mga tradisyon. May kaugnayan rin sa relihiyon ang Pasko na nag-uumpisa sa Misa de Gallo at nagtatapos sa Pista ng Tatlong Hari. Ang Semana Santa ay nagpapa-alaala sa atin ng pagkamatay ni Hesus sa krus. Kaugnay din nito ang pag-awit ng pasyon, ang mga senakulo at Via Crusis.

Ang mga Pilipinong Muslim naman ay nagdiririwang ng Hariraya at maraming pang kaugaliang angkop sa Relihiyong islam.

Sa ating munting dula ngayon, isa pang element ng kulturang Pilipino ang ilalarawan na may kaugnayan pa rin sa relihiyon.

Ating pakinggan ang dulang ito na pinamagatang “Magastos na Pamana.

Bakit kaya binigyan ng pamagat na “Magastos na Pamana” ang ating dula? Pakinggan natin kung anong aspeto ng ating kultura ang maituturing na magastos at may kaugnayan sa relihiyon. Sa ating dula, itatampok ang iba’t-ibang aktibidad na ginagawa ng mga Pilipino para sa paghahanda sa kapistahan. Ang mga aktibidad na ito’y karaniwang may kaugnayan sa relihiyon dahil ito’y bilang parangal sa Santong Patron ng lugar. Minsan lang sa isang taon ipinagdiriwang ang pista. Ang mga tao’y talagang naghahanda ng masasarap na pagkain. Bukod sa ginagawang isang parangal para sa patron ng lugar ang pista, ito ay nagsisilbi ring “reunion” o pagsasama ng mga magkakamag-anak at magkakaibigan minsan sa isang taon.

 

Ang mga tauhang gaganap sa ating dula ay ang pamilya nila Berto at Inang, at ang dalawa nilang teen- ager na anak na sina Angela at Arthur. Kasama rin sa kwento ang kaibigan ni Angela na si Perla, na kasing-edad rin niya. Anu-anong paghahanda ang ginagawa ng pamilya? Alin dito ang may kaugnayan sa relihiyon?

 

Perla: Hoy Angie! Kay aga-aga mo naman nilalagay ang kurtina niyo. Aba’y sa isang buwan pa ang pista a.

Angela: Perla, ikaw pala! Daan ka muna!

Perla: Sabi ko’y ang aga mong magkabit ng kurtina.

Angela: E, pinalalagay na ni Inang. Halika na para makita mo yung damit kong isusuot.

Perla: Talaga? O sige, andyan na ko!

Perla: Wow, Angela! Bilib na talaga ako sa’yo. Aba’y lalo kang gaganda nito pagka isinuot mo ang damit na ito sa Santacruzan ng ating pista.

Angela: Ang Inang ang nanahi yan. Ang sabi niya’y dapat talagang maganda ang isusuot ko dahil ako ang Reyna Elena. Aba, minsan lang daw akong mapili na Reyna Elena. Sa mismong kapistahan pa ni Santa Monica.

Perla: Alam mo, talagang ang husay manahi ng Inang mo. Lalong lilitaw dito ang iyong kagandahan.

Angela: Salamat Perla. E, ikaw? Tapos na ba ang damit mong ipinatahi bilang sagala?

Perla: Naku, hindi pa nga Angie. Ang sabi ni Aling Itang na modista, e kayang-kaya niya tapusin ito. Pero hangang ngayon naman wala pa. Aba’y naiinip na nga ako e.

Angela: Matatapos din yun.

Perla: Oy! Siya nga pala, baka malimutan mo yung nobena mamaya ha.

Angela: Naku, hindi. Ako pa. Alam mo naman ang Inang, masyadong deboto sa Santo natin na si Santa Monica. Gusto mo ba akong mahambaslos ni Inang pagka ako’y hindi sumama para sa kapistahan ni Santa Monica?

Perla: Mabuti na yung pinapa-alala. Tsaka isama mo narin yung mga pinsan mo.Ay! Oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan. Sabi nga pala ni Father, magmi-meeting daw tayo pagkatapos ng nobena. Pag-uusapan natin ang tungkol sa prusisyon na gaganapin sa kapistahan.

Angela: O, di ba ang pamilya niyo ang naatasan sa pailaw?

Perla: Ay, oo! Taun-taon naman yan e. Naging tradisyon na nga ng pamilya namin ang siyang bumili ng kandila para sa mga iilaw sa prusisyon. Atsaka palagay ko, pag-uusapan din sa meeting natin mamaya kung sinu-sinong santo at santa ang isasama sa prusisyon. Naku, tiyak akong maaatasan ako na igayak ang isa sa mga yon. Kung alin man ang ibibigay sakin sumama ka naman ha? Para naman may makasama akong kakilala.

Angela: Oo! Yun lang pala eh.

Perla: Sige Angie, hindi na ko magtatagal. Wag mo kalimutan ang meeting natin mamaya.

Angela: Oo! Wag kang mag-alala Perla. Sige, ipagpapatuloy ko na ‘tong pakakabit nitong mga kurtina. Baka dumating na si Inang eh!

Perla: O siya, aalis na ko. Ba-bye.

Sa pag-uusap ng magkaibigang Angela at Perla, nalaman ninyo ang iba’t-ibang aktibidad na ginagawa bago sumapit ang pista. 

Masasabi ba ninyo kung anu-ano ang mga ito?

Anong paghahanda sa bahay ang ginagawa ni Angie?

Ano namag paghahanda ang ginawa sa simbahan? 

Ipagpatuloy ang pakikinig sa dula at marami pang mga aktibidad na may kaugnayan sa pista ang inyong malalaman.

 

Inang: O, saan ang punta mo Arthur? Gabing-gabi na e, nagbibihis ka yata.

Arthur: Sa Plaza po Inang. Manonood kami ng mga kaibigan ko ng perya.

Inang: Baka naman magpa-gabi ka pa ng husto niyan ha, bata ka. Pagkatapos e tanghali na kung magising ka kinabukasan.

Arthur: Naku, ang Inang naman. Bakasyon naman ngayon e. Tsaka taunan lang kung magkaron ng perya dito sa ‘tin. Titingnan lang namin kung ano ang mga bago ngayon sa peryahan.

Inang: O sya, sya. Sige, sige, wag kang masyadong magpapadis-oras ng gabi ha?

Arthur: Opo, Inang. A, sya nga ho pala. Alam niyo bang isang dosenang banda ang dadating sa bisperas ng pista?

Inang: O sya nga ba? Naku kay dami pala. E di ang laki ng ginastos ng ating bayan para sa pista ha?

Arthur: Hindi naman lahat yun para sa pista, Inang. Mga tatlong banda lang ata ang talagang inarkila para sa pista. Ang iba, tutugtog sa bisperas at magkakaron ng paligsahan ng mga banda.

Inang: Talaga?

Arthur: Opo.

Inang: Aba, aba! Maganda yan manonood ako. Tiyak na maganda ang laban.

Arthur: Kaya nga po binalita ko agad sa inyo. Alam ko naman na mahilig kayo manood at makinig sa tugtog ng mga banda.

Inang: Ay, oo nga! Alam mo nung isang taon e walang paligsahan ng mga banda. Buti naman at meron ngayon.

Arthur: Inang inimbita po ni Mayor yung mga yun. Alam niyo naman, eleksyon sa susunod na taon.

Inang: Talaga yang si Mayor oh!

Arthur: Hahaha! Sige na aalis na ko. Baka hinihintay na ko ng mga kaibigan ko.

Inang: O sya, sige. Lakad na!

 

Ano pang mga aktibidad na may kaugnayan sa pista ang inyong nalaman?

Saan pupunta si Arthur?

 Ano ang ibinalita nya sa kanyang ina na labis na ikinatuwa nito?

Ilang banda ng musiko ang darating sa bisperas ng pista?

Sige, ituloy ninyo ang pakikinig at marami pa kayong malalaman.

 

Berto: Ay, naku! Ang hirap naman sibakin ng mga kahoy na ito. Hay! Medyo sumasakit na ang likod ko.

Inang: Berto! Hoy, Berto!

Berto: O? Bakit ba? Nandito ako sa likod ng bahay.

Inang: Hindi pa tapos yang sinisibak mo, ha?

Berto: Napaka-hirap sibakin nitong kahoy na ito! Bakit ba? Ano bang kailangan mo, matanda ka?

Inang: E, mangyari e, nanghihiram ng hagdanan yung mga kabataan. E, naglalagay na sila ng banderitas.

Berto: Hay nako! Ibigay mo, nandiyan lamang sa likod ng bahay ang hagdan.

Inang: O, tingnan mo ang matandang ito. Madadala ko ba yun? Kaya nga kita tinawag e.

Berto: E bakit? Wala ba yang anak mong si Arthur?

Inang: E naku, ewan ko kung san nagsusuot yang batang yan. Nakakahiya yang batang yan. Ang kapareho niyang kabataan, hayan naglalagay na ng banderitas. Hindi lamang tumutulong yan.

Berto: Hay! Sige, ipahanap mo kay Angela. Nakakahiya naman kay Kapitan. Baka sabihin hindi man lamang tayo makatulong sa pagga-gayak ng pista. Yung anak mo, dapat tumulong.

Inang: Talaga.

Berto: Ipakuha mo na lang sa mga kabataan yung hagdan. Ituro mo sa kanila.

Inang: Siya nga pala Berto, e pumunta si Kumpareng Tomas. Nakikiusap siya sa hita mula sa baboy na kakatayin natin a pista. E ang sabi ko’y ikaw ang kausapin.

Berto: Bakit? Hindi ba magkakatay sina Pareng Tomas?

Inang: Aba! Nakalimutan mo na ba? Hindi mo ba naala-ala? Yung baboy na nakalaan sa pista ay namatay.

Berto: Nako, e ang laki pala ng problema ni Kumpare. Bibili pa siya ng baboy.

Inang: Oo nga! Kaya nga siya nakikiuasap satin miski na isang hita lamang. Tila may nakuha na siyang isang hita galing kina Aling Sally.

Berto: Ganun ba? E, ikaw, ano sa palagay mo?

Inang: E, pwede natin silang pagbigyan, tutal malaki naman yang ating baboy.

Berto: O sige! Kung sa palagay mo’y pwede. Sige, tignan mo nga ‘tong kahoy na sinisibak ko. Itong mga ito, tama na ba ‘to para sa pang-gatong sa pista?

Inang: Aba’y baka magkulang yan! Dagdagan mo pa. Alalahanin mong magluluto pa tayo ng kalamay.

Berto: Hay, hay, hay. Kay hirap magsibak ng kahoy! Hay naku!

Inang: Ay, santisima! Nakalimutan ko yung mga batang nanghihiram ng hagdan. O sya, dyan ka na. Naghihitay nga pala sila.

Malinaw na pista ang inilarawan sa ating dula. Ang pista ay taun- taon nating ipinagdiririwang.

Anu –anong mga paghahanda ang ating ginagawa bago sumapit ang kapistahan?

Anong mga paghahanda ang ating ginagawa sa ating pamamahay? Sa ating mga sarili?

Sa ating munting dula nagsisilbing ating leksyon, anong mahahalagang aral ang inyong natutunan?

Kayo ba sa inyong lugar ay nagdiririwang din ng kapistahan?

Anu-anong mga kaugalian o paniniwala at paghahanda ang inyong nalaman mula sa ating dula?

Anong papel ang ginagampanan ng kapistahan sa ating buhay?

Bakit tayo naghahanda ng masasarap na pagkain kapag pista?

Pista! Pista! Kay saya kapag may kapistahan! Malaking handaan. Mga banda ng musiko. Prusiyon, peryahan, mga palaro, Santakrusan. Ang mga ito’y bahagi ng ating kultura. Ang mga ito’y minana nating kaugalian sa mga Kastila. Hindi ba’t isang magastos na pamana ang pista para sa atin?

Magastos at masaya ang pista. Ngunit, kailangan bang maging magastos ito kung minsan lang sa isang taon kung ipagdiwang at parangalan ang patron? Ano sa palagay nyo? Bakit?

=====

NOTE: Hindi ko pag-aari ng dulang nasa itaas. Ito ay parte ng pag-aaral ng mga ALS Learner. Ang dulang nabanggit ay mula sa ALS Resources - ICT$ALS - RBI  Scripts at matatagpuan sa website na ito: https://sites.google.com/view/ict4als/ict-resources-for-als/rbi-episodes