Dahil ang essay ay isang bahagi ng ALS A & E exam, nararapat lamang na pagtuunan ito ng pansin ng mga kukuha ng pagsusulit ngayong buwang ito. Ayon sa isang gurong nakausap ko na nagbabalik-aral sa mga kukuha ng test, may posibilidad na malaglag ang isang examiner na nakakuha ng mataas sa mutliple choice kung ang score naman niya sa essay ay mababa. Siyanga pala, ang essay part ng pagsusulit ay sa wikang Filipino (Elementary at Highschool).
Marami siguro ang magsasabing " ah, okay..Filipino, kayang-kaya ko 'yan!". Subali't sa katunayan, marami ang bumabagsak dahil sa essay part dahil hindi nila napag-igihan ang pagsulat ng kanilang mga sanaysay. Nasa ibaba ang ilang tips para sa isang mahusay na sanaysay:
Mga Tips Sa Pagsulat ng Sanaysay
1) Tema - basahing mabuti ang tema, pokus o topic ng sanaysay na hinihingi ng pagsusulit. Ito ba ay tungkol sa iyong sarili, opinyon o puna, , isang paglalarawan, reaksyon sa isang nabasa, atbp?
2) Pamagat o Titulo ng Sanaysay - dapat ay may kinalaman ito sa tema ng isusulat; hindi dapat napakahaba, iwasan ang pamagat na patanong at kailangang nakakapukaw ng kalooban
3) Talata - isang punto o diwa, isang talata. Huwag pagsama-samahin sa iisang talata o paragraph ang mga isusulat. Ang mga talata ay dapat magkakaugnay. Iwasan din ang masyadong mahabang talata na paulit-ulit naman ang laman.
4) Punto - Dapat malinaw ang iyong punto o thesis sentence. Ano ba ang gusto mong palabasin? Iakma rito ang iyong mga sasabihin.
5) Balangkas o Outline - kung mahaba ang oras, gumawa ng maikling outline para alam mo ang isusulat sa bawat talata.
6) Panimula, Katawan at Wakas - Ang sanaysay ay karaniwang may panimulang talata, katawan at wakas o konklusyon. Sa body o katawan ng sanaysay, dito ipinahihiwatig ang pinakapunto ng sanaysay, ang maliliit na detalye ng punto at ang paglalarawan o masusing pagbusisi ng maliliit na detalye.
7) Tono - tiyakin ang tono ng iyong isusulat. Ito ba ay nasa unang katauhan (ako)? Ikaw ba ay isang magulang, pulitiko, guro? Ito ay mahalaga upang maipaliwanag mo ng mahusay ang inyong punto de vista (point of view).
8) Tamang gramatika at mga pananda - mas malaki ang puntos kung tama ang grammar o gramatika ng sanaysay. Dapat ay wasto ang mga pananda (tuldok, kuwit, pananong, tutuldok, atbp)
9) Tapusin ang sanaysay - huwag ibitin ang mambabasa. Dapat itong may konklusyon o wakas.
Good luck sa mga kukuha ng pagsusulit!