Showing posts with label 2020 ALS. Show all posts
Showing posts with label 2020 ALS. Show all posts

Tuesday, June 16, 2020

Mga Tips Para Makatiyak na Papasa sa 2019-2020 ALS A&E


Nais Mo Bang Pumasa sa ALS A&E Test?

Marahil, malakas na “OO” ang isasagot ng mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa buong bansa. Sinuman kasi ang ayaw na makatanggap ng diploma sa elementarya at sertipiko sa Junior High School na magiging sandigan nila upang maipagpatuloy pa ang naudlot na pag-aaral o magkaroon ng trabaho sa hinaharap. Gayunman, hindi madali ang pumasa sa pagsusulit kung hindi pagtutuunan nang husto ang ginagawang pag-aaral at/o pagrerebisa o pagre-review ng mga aralin at kasanayan na dapat matutunan ng isang ALS learner.


Paano masisiguro ang pagpasa sa ALS A&E?

Walang kasiguruhan ang pagpasa sa pagsusulit ng Accreditation & Equivalency o A&E dahil kung mayroon, wala sanang bumabagsak taun-taon. Magkagayunman, ang tsansa ng pagpasa ay tataas kung malalaman at susundin ang ilang payo o tips sa pagpasa sa eksamin.


Dahil sa paglaganap ng Covid-19, naudlot ang pagpasok ng mga mag-aaral sa ALS sa kanilang mga learning centers. Kakaunti na nga lamang ang inilalagi nila sa silid-aralan ay nabawasan pa ito nang kumalat ang nakahahawa at nakakamatay na pandemiya. Dagdag rito, wala pa ring kasiguruhan kung kailan magaganap ang malawakan at pambansang pagsusulit dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin itinatakda ang pagrerehistro at pagsusulit ng Department of Education (DepEd).

Ano ang maaaring gawin habang hinihintay ang A&E test?

Tiyak na magkakaroon ng pagsusulit ng A&E sa taong ito. Ang petsa nga lamang ang hindi pa itinatakda ng DepEd dahil mas pinili ng pamahalaan at ng kagawaran ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Dahil dito, nararapat lamang na ipagpatuloy ng mga ALS learners ang kanilang ginagawang pag-aaral at pagre-review sa loob ng kani-kanilang tahanan lalo ngayon na mas marami silang oras na gawin iyon habang hinihintay ang araw ng pagsusulit.


Kung bentahe sa iba, ang maraming oras sa pag-aaral ay problema rin ng ilan dahil nagkakaroon sila ng dahilan upang ipagpaliban ang pagrerebisa at tamarin sa pag-aaral, lalo na at makikitang pabandying-bandying lang ang mga kasamahan sa bahay. Dahil dito, nararapat na sundin ang mga payo at tips sa ibaba upang lumaki ang tsansang makapasa sa A&E. Sundin ang mga payong ito habang nagre-review, bago ang pagsusulit at sa oras ng pagsusulit.

Mga Tips Habang Nagre-review sa Pagsusulit ng ALS A&E

1. Magkaroon ng regular na oras sa pag-aaral at pagre-review.

               Habang hinihintay ang pagsusulit, makatutulong ng malaki ang pagkakaroon ng regular na oras sa pag-aaral at pagre-review. Hindi mahalaga kung ilang oras sa isang araw o ilang araw sa isang linggo ito gawin. Ang mahalaga, mayroon tayong oras sa pag-aaral. Piliin ang oras kung saan hindi pa tayo nagsisimula sa ating kinagisnang trabaho sa bahay upang gumana nang husto ang ating memorya. Maaari itong gawin pagkagising sa umaga matapos kumain ng almusal.

Ang regular na pag-aaral ay maaari ring gawin pagkatapos ng nakaatang na trabaho sa bahay. Tiyakin lamang na tayo ay nakapagpahinga na at relaks na ang ating utak dahil kung hindi ay walang papasok sa ating kukote.

2. Basahin ang mga modules na ibinigay ng mga guro.



Kung may modules na ibinigay ang ating guro, basahin ang mga ito ng may pang-unawa. Isulat sa isang kuwaderno ang mga leksyon na hindi masyadong maunawaan. Sa pamamagitan ng cell phone, Facebook messenger at anumang media na mayroon, hingin ang paliwanag ng guro ukol sa mga leksyon na malabo sa iyong pang-unawa. Maaari ring kausapin ang mga kasama sa bahay at mga kaklase tungkol dito. Ang mahalaga, naunawaan natin ang mga leksyon bago pa ang pagsusulit.

3. Sumapi sa mga Facebook Groups ukol sa ALS A&E.

Kung may free data at Facebook account, sumali sa mga Group o Pages ukol sa Alternative Learning System (ALS) upang makakalap ng malawak na impormasyon tungkol sa programang ito at makapag-review.

4. Maging aktibo sa Facebook Group na sinalihan.


Hindi sapat ang sumapi lamang tayo sa isang samahan. Nararapat na maging aktibo tayong miyembro upang maging malawak ang ating kaalaman. Sa halip na sumagot lamang sa mga review questions na naka-post sa grupo, mag-post din tayo ng ating mga tanong lalo na yaong hindi natin lubos na nauunawaan. Dahil dito, natututo na tayo at natuturuan pa natin ang ibang mga kasapi. Hindi sapat ang “seen” lang, dapat ay nag-iiwan din tayo ng komento para mapalawig pa ang ating kaalaman.

5. Magbasa ng mga blogs tungkol sa ALS.



Kung malakas ang signal at mayroon internet connection, ugaliing magbasa ng mga blogs tungkol sa ALS. Karamihan sa mga blogs na ito ay mayroon ding mga review questions at tutorials na maaari nating pakinabangan. Ang ilan ay mayroong mga posts tungkol sa mga nakaraang pagsusulit. Subuking sagutin ang mga review questions na nakapaloob sa mga blogs.

6. Mag-group study

Maaari pa rin ang group study kahit lockdown. P’wede itong gawin sa pamamagitang ng Group Chat sa Messenger o anumang Apps na maaaring magkitakita at makapag-usap ang isa’t isa. Ito ay posible kung malakas ang signal at mayroong internet connection. Maaari rin itong gawin via messenger sa Facebook o text message sa cell phone. Ang mahalaga, nagtutulong-tulong ang bawa’t isa upang matuto ng mga aralin at maibahagi ito sa iba pa.

7. Alamin ang mga kasanayan (learning competencies) ng bawa’t strand

Maging pamilyar tayo sa mga paksa o kasanayan na nilalaman ng mga learning strands na kabilang sa pagsusulit para roon natin i-pokus ang ating atensyon sa pag-aaral at pagrerebisa. Kapag alam natin ang mga paksang nakapaloob sa test, magagamit natin nang husto ang ating oras sa pang-unawa sa mga ito. Itanong ang mga learning competencies ito sa ating mga guro.

Mga Tips Bago ang Araw ng Pagsusulit sa ALS A&E

               Mahalaga ring sundin ang ilang payo bago ang araw ng pagsusulit sa ALS A&E upang lumawig pa ang porsyento upang pumasa rito.

1. Mag-mock test at dumalo sa final briefing



Kung sakaling maaari nang lumabas at pumunta sa mga learning centers, makiisa sa gagawing mock test upang maging pamilyar sa tipo ng pagsusulit na ibibigay sa aktuwal na test. Mahalaga rin ito upang maranasan ang pakiramdam ng kumukuha ng pagsusulit at maiayon ang sarili sa aktuwal.

Importante rin ang pagdalo sa final briefing bago ang araw ng pagsusulit, upang malaman ang mga pagbabago, kung meron, sa oras at lugar ng pagdarausan ng test. Magkaminsan, nagkakaroon din ng pagkakataon na magbigay ng mga tips at payo ang mga guro sa araw na ito.

2. Magrelaks dalawang araw bago ang araw ng pagsusulit.


Mahalaga ang pagiging kalma ng ating katawan at utak bago sumabak sa isang karanasang hindi kanais-nais o pinagmumulan ng kaba o nerbyos. Maaari tayong pumaroon sa isang bahay dasalan upang manalangin, mamasyal sa ibang lugar, o maglibot-libot at huminga nang malalim sa loob ng bakuran.

3. Alamin at/o puntahan ang lugar ng pagdarausan ng pagsusulit


Kung hindi mo alam ang pagpunta o nasaan ang lugar ng pagdarausan ng pagsusulit na nakaatang sa iyo, nararapat na ito ay iyong puntahan upang maging pamilyar ka sa lugar at malaman mo kung ilang oras ang kakailanganin upang marating mo iyon. Ito ay mahalaga upang hindi ka mahuli sa pagsusulit.

4. Sa gabi bago ang pagsusulit, ihanda ang mga kailangang dokumento sa araw ng pagsusulit


Alamin at ihanda ang mga gamit at dokumento na kakailanganin sa araw ng pagsusulit. Magdala ng pambura, 3 lapis na may tasa na, ballpen, test permit, at ID kung ang mga ito ang kailangan.  Ihanda na rin ang babauning tubig at pagkain.

Mga Tips sa Araw ng Pagsusulit ng ALS A&E

               Sa pagdating ng araw na pinakahihintay, makatutulong ang pagiging aktibo hindi lamang ang katawan kundi ang isip dahil nakasalalay sa araw na ito ang katuparan ng iyong mga pangarap. Malaki ang tsansa ang makapasa sa pagsusulit kung susundin ang mga tips sa ibaba:

1. Mag-agahan nang sapat sa araw ng pagsusulit



Sa oras ng pagsusulit, agahan ang gising at mag-almusal nang sapat. Huwag kumain ng mga pagkain na magpapalakas ng kaba sa dibdib o magpapanerbiyos tulad ng kape. Mas mainam uminom ng tsaa na nagpapakalma ng tiyan. Iwasan ang uminom ng gatas o kumain ng itlog kung ang mga pagkain ito ay nagkakaroon ng kakaibang pakiramdam sa iyong tiyan.

2. Maligo at dumumi kung oras ng iyong pagdumi


Dapat ay maging presko ang ating pakiramdam at ayos din ang timplada nito habang kumukuha ng pagsusulit. Malaking balakid kung nakakaramdam tayo ng init sa ating katawan o pagkabalisa sa ating tiyan.

3. Magdala ng pagkain at tubig


Dahil inaabot ng tatlo o higit pang oras ang pagsusulit ng A&E, magdala ng makakain at maiinom upang ating kainin at inumin sa oras na pinahihintulutan ng nagbabantay.
Isama rito ang mansanas, saging, at kendi, maliban sa bote ng tubig. Kung pahihintulutan ang pagkain ng tanghalian, magdala rin ng pananghalian upang makatipid at nang mayroong makain.

4. Siguraduhing nadala ang mga gamit at dokumentong kailangan sa pagsusulit

Bago umalis ng bahay at bumaba ng sasakyan, siguraduhing bitbit mo ang mga lapis, pambura, atbp., at mga dokumentong kailangan sa pagsusulit.



5. Dumating sa lugar ng pagdarausan ng pagsusulit isang oras bago ang itinakda


Mahalagang dumating sa lugar ng pagsusulit nang mas maaga upang hindi magahol sa oras at hindi nagmamadali. Nakatutulong ito upang maging kalma at maiwasan ang nerbiyos. Bago pumasok ng silid-aralan kung saan kukuha ng pagsusulit, dumaan sa palikuran upang umihi o magbawas kung kinakailangan.
Iwasang pumunta sa lugar ng pagsusulit nang sobrang aga dahil delikado rin ito. Huwag pumasok sa paaralan kung iilan pa lamang ang mga kukuha ng pagsusulit at wala pang mga guro at kawani na magbabantay at mamamahala ng pagsusulit.

6. Pakinggang mabuti ang direksyon ng gurong nagbabantay


Upang hindi magkamali sa pagsagot sa mga impormasyong kailangang ilagay sa test paper o answer sheet, makinig mabuti sa mga sinasabi ng nagbabantay o proctor. Kung hindi maliwanag ang direksyon, huwag makiming magtanong.


7. Basahin at unawaing mabuti ang mga panuto o direksyon ng pagsusulit


Bago sumagot sa pagsusulit, unawain ang panuto. Kung bibilugan, i-si-shade  o isusulat ang titik ng tamang sagot sa answer sheet, siguraduhing ito ang hinihingi ng direksyon.



8. I-budget ang oras na nakalaan sa bawat learning strand at sa bawat tanong


Bigyan ng tamang oras ang bawat tanong dahil ang bawat puntos ay mahalaga. Kung nahihirapan sa isang tanong, piliin ang sa iyo ay nararapat. Kalimutan na ito at mag-pokus sa susunod na mga tanong. Lagyan ng maliit na marka ang mga tanong na hindi ka masyadong sigurado sa iyong sagot at balikan ito kung may natitira ka pang oras. 


Kung natapos ka nang mas maaga sa oras na inilaan, rebisahin ang iyong mga sagot. Siguraduhing wala kang tanong o numerong nakaligtaan o nalaktawan.

9. Sa pagpili, ihiwalay ang dalawang posibleng sagot at gamitin ang common sense sa pagpili


Huwag nang pagtuunan pa ng oras ang mga pagpipilian na napakamalayo sa tamang sagot. Mag-pokus sa dalawang posibleng tamang sagot. Kailangan ito upang huwag gahulin sa oras at magkaroon ng sobrang oras na rebisahin ang mga tanong na hindi sigurado ang sagot.

10. Maging kalma sa oras ng pagsusulit


Bago simulan ang pagsagot, magdasal at huminga nang malalim. Mag-pokus sa pagsagot at huwag intindihin ang mga nasa paligid maliban sa sinasabi ng nagbabantay o proctor. Iwasan ang paglingon-lingon sa loob at labas ng silid. Kapag nakarama ng pagbablanko ng isip, tumigil saglit, huminga nang malalim at ipagpatuloy ang pagsagot.

11. Sa pagsagot ng mga tanong hinggil sa tekstong binasa, graph o chart, basahin muna ang tanong bago basahin ang buong artikulo


Sa mga Reading Compehension at/o Analysis of Charts and Graphs, ipinapayong basahin muna ang mga tanong bago basahin ang buong artikulo o kilatisin ang chart at graph para habang binabasa ay nalalaman na natin ang sagot sa mga tanong. Gayunman, huwag gawin ang isang basa ng tanong, isang basa ng artikulo. Ang gawin, basahin ang LAHAT ng tanong hinggil sa artikulo at basahin NANG BUO ang artikulo o teksto. Unawain ang teksto, chart, at graph sa unang pagbasa pa lamang  upang hindi magahol sa oras.

12. Manghula ng sagot


Kung hindi mo alam talaga ang tamang sagot, mas mainam na manghula ng sagot kaysa hindi sagutin ang tanong. Ang tanong na walang sagot ay tiyak na MALI samantalang may TSANSANG maging tama ang isang hulang sagot.

13. Magdasal at magpasalamat sa iyong panginoon matapos ang pagsusulit

Bago ipasa ang iyong answer sheet sa proctor, tiyaking tama ang mga impormasyong inilagay mo rito lalo na ang baybay ng iyong pangalan upang hindi maging kaso. Tiyaking nasagot mo lahat ang learning strands.
Pagkalabas ng silid, magdasal at magpasalamat sa iyong panginoon dahil nakasalalay na sa kanyang mga kamay ang katuparan ng iyong mga pangarap. Huwag nang pag-usapan pa ang mga tanong at sagot sa pagsusulit upang maiwasan ang stress. Hintayin na lamang ang resulta ng pagsusulit nang punumpuno ng pag-asa at pananabik dahil tiyak na pumasa ka sa ALS A&E test.

GOOD LUCK and GOD BLESS!