Hindi lang inip kundi magkahalong
inis at galit na ang nararamdaman ng maraming mag-aaral ng Alternative Learning
System (ALS) na kumuha ng pagsusulit sa Accreditation & Equivalency
(A&E) ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) noong nakaraang Marso 2018. Ito ay
sa kadahilanang hindi sila makapagpatala sa papasukang paaralan dahil wala
silang maipakitang Certificate of Rating (COR). Dagdag pa rito ang kalituhang
kung papasok ba sila sa Senior High School o sa pamantasan o kolehiyo dahil sa
wala pang malinaw ng Memorandum ang DepEd.
Kahapon, Lunes, ika-4 ng Hunyo,
2018, nagsimula nang magsipasok ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan
samantalang naghihintay pa rin ng resulta ang mga ALS A&E takers. Nararapat
lamang na bigyan ng penalty ang grupong nag-tsek ng pagsusulit dahil hindi nila
naibigay sa tamang oras ang resulta, maliban na lamang kung ito ay kagagawan ng
DepEd. Sa susunod sana ay gawin ang pagsusulit sa petsang hindi gagahulin ang
mga mag-aaral sa pag-eenrol at magbigay agad ng abiso tungkol sa mga katanungan
ng mga ALS A&E takers.
Sa ngayon ay nganga pa rin ang
mga mag-aaral at mga kumuha ng ALS A&E test dahil hindi nila alam kung
tatanggapin pa sila sa mga paaralang nais nilang pasukan. Nawa’y lumabas na ang
resulta ng A&E ngayong linggong ito nang makahabol pa rin sa palistahan ang
mga mag-aaral ng ALS.