Dahil sa pagbabago ng namumuno sa DepEd, nangangahulugan lang na nabago na rin ang patakaran tungkol sa pangangasiwa ng Alternative Learning System (ALS) Accreditation and Equivalency (A&E) examinations. Sa pagpapaliban ng pagusulit noong Enero 2017, maraming mag-aaral ng ALS ang nasa bingit ng alanganin dahil nagsimula na ang klase ay hindi pa sila nagkakapag-iksamin. Tila baga napurnada ang kanilang pagod at pagsisikap upang makakuha ng diploma,elementarya man ito o high school. Nakakalungkot lamang isipin na nakalimutan na yata ng DepEd na may mga estudyanteng naghihintay kung kailan ba ang petsa ng pagsusulit o meron pa nga bang pagsusulit na magaganap. Yaon namang naghihintay kung kailan ang pagpapatala para sa programa ay hindi rin malaman ang gagawin. Wala ring maibigay na impormasyon ang mga lokal na pamunuan ng DepEd, gayundin ang mga punong-guro ng mga paaralan at mga ALS coordinators. Ang lahat ay naghihintay ng abiso mula sa Department of Education.
Ang inyong lingkod ay nangalugad sa webpurok ng DepEd upang maghanap ng personaheng maaaring tanungin tungkol sa ALS. Tunghayan sa ibaba ang pangalan ng Assistant Secretary for Public Affairs Services and Alternative Learning System. Tawagan siya at hingan ng paliwanag.
(Image from http://www.deped.gov.ph/asec-gh-s-ambat)
G. H. S. Ambat
Telephone Nos. (02) 636 - 6547 at (02) 631-8495
Sa mga kukuha ng pagsusulit sa ALS at sa mga magpaparehistro, huwag pong mawalan ng pag-asa. Ngumiti pa rin. Magrepaso habang naghihintay. Sana nga ay maaari nang kumuha ng pagsusulit online sa anumang oras na handa na ang mag-aaral.