Maligayang pagbati sa mga ALS learners sa taong panuruan 2021-2022 na nakapasa sa ginawang Performance Portfolio Assessment and Inter-Division Revalida noong nakalipas na buwan. Marahil, marami na sa inyo ang nakapagtapos na at nakamit ang kanilang minimithing Katunayan o Certificate bilang pagpapatunay na kayo ay gradweyt na ng elementarya o Junior High School. Ang iba sa inyo ay ipinagpatuloy ang pag-aaral sa susunod na antas, Junior High School man ito, Senior High School, o kolehiyo. Ang ilan ay kukuha ng training sa TESDA, karamihan ay maghahanap na ng trabaho hawak ang kani-kanilang sertipiko.
Anuman ang piliin ninyong landas na tatahakin, matatatanto ninyo na sa Alternative Learning System o ALS, ang pangarap ay may pag-asa. Naudlot man ang inyong pag-aaral sa anumang kadahilanan, gumawa ang pamahalaan upang maipagpatuloy ninyo ang inyong naudlot na pangarap. Taas-noo ninyong haharapin ang panibagong hamon ng buhay at nawa ay malampasan ninyo ang lahat ng balakid sa mga landas na inyong tatahakin. Hindi madaling abutin ang mga pangarap nguni't may pag-asa na kayong natatanaw dulot ng ALS.
Muli, maligayang pagtatapos sa mga ALS learners ng Batch 2021-2022!
No comments:
Post a Comment